292 total views
April 26, 2020-6:53am
Nagpapasalamat ang Malacañang sa patuloy na pagtulong ng Simbahang Katolika sa mga higit na nangangailangan dulot ng epekto ng enhanced community quarantine dahil na rin sa patuloy na banta ng Novel Coronavirus.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na siya ring tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force (IATF), ito ay tunay na pagpapahayag ng pagsasabuhay ng tungkulin bilang mga lingcod ng simbahan.
“Nagpapasalamat po kami dun sa nababalitaan namin na kinukupkop na mga stranded na construction workers, frontliners. Nagbibigay ng pagkain sa mga nangangailangan. Maraming-maraming salamat po,” ayon kay Roque sa panayam ng programang Veritasan.
Inaamin din ni Roque na hindi sasapat ang pondo ng pamahalaan para tulungan ang lahat dahil sa limitadong pondo ng pamahalaan na tumatanggap din ng tulong maging sa mga pribadong sector at paglalaan ng ilang ahensya ng gobyerno ng programa tulad na rin ng Social Security System para makatulong sa publiko.
Hinikayat din ni Roque ang simbahan na makipag-ugnayan sa mga local na pamahalaan para sa kanilang mga programa ng pagkakawanggawa at pamamahagi ng tulong sa mga mahihirap.
Ito ay kaugnay na rin sa ilang ulat na pinagbabawalan ang ilang mga kawani ng simbahan maging ang mga pari na lumabas dulot na rin ng umiiral na locked down policy.
“So kung makikipag-coordinate tayo sa LGU siguro sila na rin ang magsasabi sa mga pulis na payagan kayo,” ayon kay Roque.
Hindi naman nakakatiyak si Roque kung kailan mapapayagan ang simbahan na magdiwang ng misa sa parokya kahit sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ)—o mga lugar na mas kaunti ang bilang ng impeksyon.
Una na ring ipinag-utos ng pamahalaan ang pagpapalawig ng ECQ sa National Capital Region, Central Luzon, Calabarzon at iba pang mga lugar na may mataaas na bilang ng kaso ng Covid-19 ng hanggang sa ika-15 ng Mayo.
Habang iiral naman ang GCQ o mas maluwag na panuntunan sa mga lugar na mababa at walang kaso ng Covid-19.
Hinihikayat din ni Roque ang mga opisyal ng simbahan na lumiham sa IATF para magmungkahi kaugnay sa pagsasagawa ng misa sa mga parokya o sa kalsada (open space) at iba pang mga aktibidad ng simbahan.