277 total views
April 30, 2020, 12:56PM
Nangangamba ang opisyal ng Diyosesis ng Legazpi, Albay sa posibleng pagsasailalim sa General Community Quarantine ng lalawigan simula sa Mayo.
Ayon kay Fr. Rex Paul Arjona, diocesan Social action director ng Legazpi, bagama’t mas mapapaluwag na ang mga panuntunan ay naniniwala siyang masyado pang maaga na tanggalin ang lalawigan mula sa Enhanced Community Quarantine o mas mahigpit na lock down policy.
“Ang reaksyon ng marami ay huwag muna, premature pa. So we requested actually some of our, all of our LGU’s nagrequest na kung pwede i-extend pa kami until May 15 sa ECQ,” ayon kay Fr. Arjona.
Dagdag pa ng pari, ilang lungsod din sa lalawigan ang hindi sang-ayon sa pagtatanggal ng ECQ sa halip ay iminumungkahi na palawigin ito ng hanggang sa ika-15 ng Mayo.
Sa Albay, naitala ang 30 kaso ng novel coronavirus kung saan apat na lamang ang nanatiling aktibo o hindi pa gumagaling.
Paliwanag ng pari, bagamat marami ang nakakaranas ng kahirapan dulot ng ECQ ay nakaka-alarma naman ang kaso ng community transmission lalut dalawa sa panibagong kaso ng nahawa sa sakit ay walang travel history at pawang mga frontliners.
Sa ilalim ng GCQ, bibigyang pahintulot ang pagbubukas ng ilang mga negosyo, pampublikong transportasyon at ang pagpapaluwag sa mga panuntunan kabilang na ang paglabas ng mga residente mula sa kanilang tahanan.
Ang lalawigan ng Albay ay binubuo ng 15 munisipalidad at tatlong lungsod na may kabuuang populasyon na 1.5-milyong mamamayan.
KARAGDAGANG TULONG SA MGA RESIDENTE
Tiniyak naman ng pari na nagampanan ng simbahan ang pagtulong sa mga residenteng apektado ng umiral na community quarantine, bagama’t patuloy pa rin ang pangangailangan ng tulong.
Ayon kay Fr. Arjona, aktibo ang 47 parokya ng Legazpi sa kani-kanilang relief efforts na base sa pinakahuling ulat ay nakapagpaabot ng tulong sa 17-libong pamilya.
“Hindi naman kasi ang evangelization natin ay nasa liturgy, nasa praying tsaka teaching. Nandito rin naman tayo sa serving. Yung works of charity natin, pwede na ring work of justice kasi social justice issue hindi lamang magkaroon ng ang karampatang health care kundi ang maka-survive ka na may dignidad lalu na sa panahon na ito,” paliwanag ni Fr. Arjona.
Sinabi ng Pari na ang pondo ay mula sa Year round Alay Kapwa, pondo ng parokya, Social Action Center maging mga donasyon mula sa mga pribadong kompanya at indibidwal.
“Ang ating specific na dapat gawin ay to compliment the work of the government at to fill-in the gaps ng public service,” ayon pa sa pari.