230 total views
May 1, 2020-12:53pm
Umaasa ang ‘justice ministry’ ng simbahan na matutukan na ang pagsasaayos ng kontrobersyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) upang maging daan na mapaluwag ang mga bilangguan sa bansa.
Ito ang inihayag ni kay Sr. Zeny Cabrera ng Caritas Manila Restorative Justice, lalu’t patuloy na tumataas ang bilang ng mga bilanggong nagtataglay ng Coronavirus Disease sa iba’t ibang bilangguan.
Paliwanag ni Sr. Cabrera ang GCTA ay maaring maging tugon upang ma-decongest ang mga piitan sa bansa.
“Hopefully sana itong GCTA na nagkagulo-gulo noon pero ngayon inaayos na, I hope sa panahong ito na meron talagang time to fix everything sana ito ay mabigyan na ng lunas na maimplement para sa ganun naman ay ma-decongest talaga ang kulungan,” ang bahagi ng pahayag ni Sr. Cabrera sa panayam sa Radyo Veritas.
Ayon pa sa madre, nangangamba na rin ang mga preso dahil hindi maipapatupad ang physical distancing sa loob ng kulungan dahil na rin sa masisikip na selda.
“Ang fear nila natatakot sila dahil yung sinasabi nating Social Distance di ba to observe ay hindi nila magagawa sa loob kasi inside the brigade yung kapag nasa loob sila ng selda ay magkakasama din sila.” Dagdag pa ni Sr. Zeny Cabrera.
Ang social distancing o physical distancing ang isa sa mga ipinapayo ng mga eksperto na paraan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 virus.
Una na ring inihayag ng ahensya ng pamahalaan na halos 80-porsyento ng mga bilanggo sa bansa ay labis sa kapasidad ng mga kulungan bunsod ng kabagalan ng pagproseso sa kaso ng mga akusado.
Ang Republic Act (RA) 10592 o ang conditional expanded GCTA ay naglalayong mapalaya ang mga bilanggo na nakapagpakita ng magandang pag-uugali sa loob ng bilangguan.
Batay sa pinakahuling tala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) noong ika-28 ng Abril umaabot na sa 235 ang bilang mga bilanggo at jail personnel na nagpositibo sa COVID-19 mula sa apat bilangguan sa bansa.
Sa datos, 186 sa mga nagpositibo ay nagmula sa Cebu City Jail; isa sa Mandaue City Jail; ang 9 naman ay nagmula sa Quezon City Jail habang may 2 kaso na rin ang naitala sa Zamboanga City Jail.
Lima naman mula sa 38-BJMP personnel na nagpositibo sa sakit ang gumaling mula sa karamdaman.