316 total views
May 3, 2020, 3:24PM
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya lalo ang kabataan na tumugon sa tawag ng Panginoon.
Ayon kay Boac Marinduque Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., Vice Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Vocations, kinakailangan ang kalakasan ng loob sa pagtugon sa tawag ng paglilingkod sa Panginoon.
“Take courage to respond; when you feel the call, God will always respect your response. Napakahalaga din nung lakas ng loob nating tumugon,” bahagi ng pahayag ni Bishop Maralit sa Radio Veritas.
Ang mensahe ng obispo ay kaugnay sa pagdiriwang ng ‘Good Shepherd Sunday’ at ika – 57 taon ng World Day of Prayer for Vocations.
Dagdag pa ni Bishop Maralit mahalaga rin sa pagtugon sa tawag ng Panginoon ang paghingi ng gabay mula sa taong makatutulong mapalago ang bokasyon lalo’t sa gitna ng paglalakbay ay may maraming katanungang minsan nagpapahina sa kalooban.
“Magpagabay kayo sometimes it’s really daunting; napakalaking bagay yung may gumagabay sa inyo to ask or somebody who can guide you towards your journey in responding sa vocation ni Lord,” dagdag ng obispo.
Sa kasalukuyang tala sa Pilipinas mahigit sampung libo ang bilang ng mga pari na nangangasiwa sa halos 85 porsyentong Katoliko sa bansa.
Aminado si Bishop Maralit na kulang ang mga pari sa bansa na mangangalaga sa mga kawan ng Diyos.
Dahil dito nanawagan ang obispo higit lalo sa kabataan na tumugon sa panawagan ng Panginoon sa paglilingkod sa Diyos.
“Patuloy pa rin ang pangangailangan natin ng mga kabataan, hindi masyadong kabataan na handang tumugon sa paglilingkod sa simbahan,” panawagan ni Bishop Maralit.
Hinimok ng obispo ang tumutugon sa tawag ng bokasyon na magtiwala sa Diyos sapagkat sa pagtitiwala sa Mabuting Pastol ay masusumpungan ang kapayapaan at tunay na kalayaan.