272 total views
.
May 4, 2020, 2:16PM
Nagbabala ang pamunuan ng Radio Veritas 846 sa mamamayan kaugnay sa paggamit ng mga manloloko sa himpilan upang makapangalap ng pondo at donasyon.
Pinag-iingat ni Reverend Father Roy Bellen, Vice President for Operations ng Veritas 846 ang mga Kapanalig kasabay ng paalala na ugaliing kumpirmahin kung lehetimo ang mga hinihinging donasyon.
“Nais kong ipaalala sa ating mga Kapanalig na mag-ingat po tayo; mas maganda ma-confirm kung saan po galing ang balita, yung panawagan o request; kung ito ba talaga ay galing sa simbahan,” pahayag ni Fr. Bellen sa Radio Veritas.
Ang paalala ay kaugnay sa kumakalat na impormasyong ginagamit ang Radio Veritas sa pangangalap ng donasyon.
Ayon kay Fr. Bellen, nakalulungkot na sa gitna ng krisis na kinakaharap ng lipunan dulot ng pandemic corona virus disease ay may mga taong sinasamantala ang pagkakataon para sa pansariling interes.
Bukod sa Radio Veritas, ginamit din ang pangalan ng Caritas Manila, mga diyosesis at maging ang mga lingkod ng simbahang katolika.
Dahil dito hinimok ni Fr. Bellen ang mamamayan na tiyaking lehetimo ang mga social media accounts na ginagamit sa pangangalap ng donasyon at kumpirmahin sa mismong tanggapan upang makaiwas sa panloloko.
“Mas maganda na we are always aware sa mga main platforms, mga official accounts ng Veritas, Caritas at mga Diocese; nang sa gayon we are aware na official ang mga panawagan,” ani ni Fr. Bellen.
Matatandaang maraming beses nang biktima ang mga kilalang personalidad at lider ng simbahan na ginagamit sa pangangalap ng donasyon tulad nina Cardinal Luis Antonio Tagle, Cardinal Orlando Quevedo, Archbishop Jose Palma at iba pa.
Para sa mga humihingi ng tulong at donasyon maaring makipag-ugnayan sa Radio Veritas 846 na makikipag-koordinasyon sa Caritas Manila at sa mga Social Action Centers ng bawat Diyosesis sa bansa.