248 total views
May 4, 2020, 2:34PM
Hindi napapanahon ang pagpapataw ng karagdagang bayarin ng mga Overseas Filipino Worker.
Ito ang binigyang diin ni Balanga Bishop Ruperto Santos, Vice Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People kaugnay sa napipintong paniningil ng mandatory 3% premium ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth sa mga miyembro.
Iginiit ng Obispo na nangangailangan din ang mga O-F-W ng kalinga at tulong dahil apektado din sila ng kasalukukyang krisis dulot ng pandemic COVID 19.
“Higit na nahihirapan at nabibigatan ang ating mga OFW; kaya’t yung hinihinging kontribusyon na 3% ay huwag munang ipataw sa kanila sa halip ay bigyan sila ng ayuda,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Inihayag ni Bishop Santos na ito ang pagkakataon upang tulungan ang kanilang hanay at ipakita ang pagmamalasakit sa mga tinaguriang bagong bayani na malaki ang ambag sa ekonomiya ng Pilipinas.
Sa ilalim ng Circular 2020 – 0014 ng ahensya, ipinag-uutos dito ang pagpapataw ng tatlong porsyentong pagtaas sa binabayaran ng mga O-F-W sa Philhealth sa mga migranteng kumikita ng sampu hanggang animnapung libong piso.
Tutol ang maraming O-F-W sa bagong kautusan ng Philhealth lalo’t apektado ang higit sampung milyong O-F-W sa buong mundo sa krisis dulot ng pagpatupad ng lockdown ng iba’t-ibang bansa dahil sa COVID 19.
Sa naturang lockdown maraming negosyo ang pansamantalang nagsara kaya’t labis ang epekto ng pandemya sa pandaigdigang ekonomiya.
Iginiit ni Bishop Santos na dapat isipin ng bawat isa partikular ng pamahalaan kung paano matulungan ang mga apektadong O-F-W sa halip na singilin.
“Sa panahong ito huwag natin isipin kung paano makakakuha, subalit ito ang panahon na isipin paano makapagbibigay at makatutulong; kailangan ngayon ang tulong, damay at malasakit,” saad ni Bishop Santos.
Iginiit ng obispo na isang magandang pagtulong at pagtugon sa pangangailangan ng mga O-F-W ay ang hindi pagsingil sa karagdagang mandatory payment ng Philhealth.
Samantala, panawagan ni Bishop Santos sa kinauukulan na pag-aralang mabuti ang bawat hakbang at polisiya na ipatutupad at palaging isaalang – alang ang kapakanan ng mamamayan habang hinimok din nito ang bawat isa na mahalagang pairalin ang awa at habag.