265 total views
May 11, 2020-2:09pm
Patuloy na isinisulong ng simbahan ang paghiling sa gobyerno sa pagpapahintulot sa religious activities sa mga lugar na isasailalim sa General Community Quarantine.
Ito ang binigyan diin ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kung saan nakipagpulong na rin ang ilang mga opisyal ng simbahan kay Health Secretary Francisco Duque.
“Dito sa Archdiocese of Manila gumawa na kami ng guidelines na kinuha na ng DOH ang sabi namin handa na kami,” ayon sa pahayag ni Bishop Pabillo sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Radio Veritas.
Bukod kay Bishop Pabillo, kabilang sa dumalo sa pulong si CBCP president, Davao Archbishop Romulo Valles at Military Bishop Oscar Jaime Florencio.
Dagdag pa ni Bishop Pabillo, naisumite na rin nila sa DOH ang protocol na hininingi ng ahensya na ipatutupad sakaling payagan ng pamahalaan.
“Ang ating sinusulong ngayon na hayaan na pagdating ng GCQ na buksan ang religious activities kasi para sa atin ang religious activities ay isa siyang essential service,” ayon pa kay Bishop Pabillo.
Paliwanag pa ng obispo ang pagbubukas ng parokya para sa pampbulikong misa ay hindi nangangahulugan ng malaking pagtitipon dahil ito ay limitado lamang sa bilang ng mga maaring dumalo sa pagdiriwang.
“Religious activities not necessarily large gatherings, kasi pede naman nating makontrol,” ayon kay Bishop Pabillo.
Mula sa enhanced community quarantine, ang general community quarantine ay ang mas maluwag na panuntunan kung saan ilang mga trabaho at negosyo na rin ang papayagang magbukas matapos ang dalawang buwang lockdown.