225 total views
May 12, 2012-4:12am
Inihayag ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na dapat suriin ng pamahalaan ang national guidelines na ipinatutupad kaugnay sa enhanced community quarantine.
Ito ang tugon obispo sa pahayag ni Inter Agency Tasks Force at Presidential Spokesperson Harry Roque na dapat may close coordination ang Simbahan sa Local Government Units sa kahilingang payagan ang mga religious activities.
Sinabi ni Bishop Pabillo na dapat linawin ng IATF na nakadepende sa kapangyarihan ng LGU ang desisyon upang maiwasan ang turuan kung sino ang kinauukulang lalapitan ng Simbahan.
“Kung gusto ng IATF ilagay nila sa General norms na depende sa mga LGU, kasi ang mga LGU kapag nilalapitan namin sabihin na hindi naman pwede kasi sinabi sa national na bawal muna [religious activities]. Wala namang guidelines sa national na depende sa LGU,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Naunang ikinadismaya ni Bishop Pabillo ang desisyon ng pamahalaan na unti unting buksan ang komersyo tulad ng mga mall, banko at mga minahan samantalang inihanay ang religious activities sa mga konsyerto, sine at iba pang gawaing pang aliw.
Binigyang diin ni Bishop Pabillo na nagsumite na ang Arkidiyosesis ng Maynila ng mga rekomendasyong panuntunan sa IATF sa pamamagitan ng Department of Health ngunit inihayag ni Roque wala itong natanggap na mga dokumento.
Ika-15 ng Mayo inaasahang magtatapos ang enhanced community quarantine sa Luzon at iba pang bahagi ng bansa ngunit sa anunsyo ng pamahalaan ipatutupad ang modified enahced communtiy quarantine hanggang sa katapusan ng buwan sa National Capital Region, Laguna at Cebu dahil sa naitatalang mataas na kaso ng pagkahawa ng virus..
Sa ilalim ng MECQ papayagan ng gobyerno ang paglabas ng ilang indibidwal na may esensyal na tungkulin sa lipunan tulad ng mga frontliners at maging ang pagbukas ng ilang esensyal na komersyo upang mapigilan ang tuluyang pagbagsak ng ekonomiya.
Umaasa ang Simbahang Katolika na dinggin ng pamahalaan ang kahilingan na pahintulutan ang mga banal na gawain sa Simbahan kaakibat ang mahigpit na pagpatupad ng safety precautions gaya ng pagsusuot ng facemask, paghuhugas ng Kamay at higit sa lahat ang physical distancing.