314 total views
May 12, 2020-4:20pm
Iginiit ng obispo ng Prelatura ng Infanta na naninindigan lamang ang mga Filipino sa karapatan nito sa sariling teritoryo partikular sa pinag-aagawang karagatan na inaangkin ng China.
Ayon kay Bishop Bernardito Cortez,malinaw ang desisyon ng UN Commission on the Limits of the Continental Shelf nang aprubahan ang isinumiteng dokumento ng Pilipinas noong 2009 kung saan hiniling na igalang ang karapatan nito sa mga lugar sa Benham Rise region na sakop ng 200 nautical miles.
“Maliwanag ang desisyon ng United Nations; pinaiiral lamang ang right ng Pilipinas hindi ang makapangyarihang bansa, simple logic lang yan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Cortez sa Radio Veritas.
Ito ang tugon ng obispo sa pahayag ni Chinese foreign ministry spokesperson Geng Shuang na hindi maaring angkinin ng Pilipinas ang pagmamaya-ari sa Benham Rise sa kabila ng pagkilala ng United Nations.
Aniya, batay sa international law kabilang na ang UNCLOS ang karapatan sa mga continental shelf ay hindi makakaapekto sa legal status ng mga superjacent water at air space sa ibabaw ng karagatang bahagi ng teritoryo ng bansa.
Binigyang diin ni Bishop Cortez na hindi wastong ipilit ng isang malaki at makapangyarihang bansa ang kanilang kagustuhan kundi dapat sumunod at igalang ang desisyon ng pinagkaisang mga bansa.
Nauna nang sinabi ni Department of Naitonal Defense Secretary Delfin Lorenzana na namataan ang isang Chinese survey ship na naglayag sa bahagi ng Benham Rise noong nakalipas na taon kasabay ng mga ulat na natanggap na posibleng naghahanap ng lugar ang Chinese para sa submarine station.
Ayon pa kay Lorenzana plano ng Pilipinas ang pagtatayo ng mga istruktura sa Benham Rise upang bigyang diin ang karapatan sa nasabing lugar at pagbili ng karagdagang modern radar system upang mapigilan ang posibleng pagpasok ng mga umaangkin sa lugar.
Iginiit ni Bishop Cortez na nais lamang ng Pilipinas na ipaglaban ang karapatan sa halip na makipagdigma.
“Tayong mga Filipino ay hindi makipagdigma, ipinaglalaban lang natin ang ating mga karapatan para sa Pilipinas,” giit ni Bishop Cortez.
Batay sa kasaysayan, ang 13 milyong ektaryang karagatan na matatagpuan sa Isabela at Aurora ay ipinangalan sa Amerikanong geologist na si Andrew Benham ang nakadiskubre sa lugar noong 1933.