228 total views
May 15, 2020, 10:11AM
Patuloy ang Jesuit community sa paggawa ng mga hakbang na matugunan ang pangangailangan ng mamamayan na kasalukuyang nanatili sa mga tahanan dulot ng ipinapatupad na modified enhanced community quarantine sa National Capital Region.
Bukod sa pamamahagi ng pagkain sa pangunguna ng Tanging Yaman Foundation pinalawak ng komunidad ang pagpapalago hindi lamang sa pampisikal kundi maging sa pang-espiritwal na aspekto ng tao sa tulong ng musika.
Dahil dito ilulunsad ng Jesuit Music Ministry (JMM) ang ‘Quarantunes’ single at music video ng classic song Pananagutan upang magpapalakas at magpapatatag sa kalooban ng mga mamamayan na pinanghihinaan dahil sa pandemya.
Ang Pananagutan na isinulat ni Rev. Fr. Eduardo Hontiveros, SJ ang tinaguriang ‘Father of Filipino Liturgical Music’ ay ang pinakabagong awitin na itinampok ng JMM sa gitna ng krisis bunsod ng COVID 19.
Layunin ng awitin na magbigay pag-asa at kapayapaan sa mamamayan sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap ng buong daigdig.
Kamakailan lamang ay nag-alay ng panalangin ang Kanyang Kabanalan Francisco sa mga naglilingkod sa larangan ng sining na nakatutulong upang higit na mapalaganap ang Mabuting Balita ng Panginoon lalo na sa kabataan.
Umaasa ang JMM community na sa tulong ng ‘Quarantunes’ ay muling mapag-alab ang puso tungo sa mas matatag na pananampalataya sa Diyos na mapagtagumpayan ang kasalukuyang krisis na kinakaharap ng buong mundo.
Kabilang sa mga koro na bahagi ng ‘Quarantunes’ ang Ateneo Chamber Singers, Bukas Palad Music Ministry, Hangad, Himig Heswita, Koro Ilustrado, Musica Chiesa, Pansol Choir, at ang Tinig – Barangka.
Ang naturang awitin ay mapakikinggan at mapapanood sa iba’t ibang digital music platforms tulad ng Spotify, Apple Music, Deezer, JesCom Facebook page at Youtube channel.