321 total views
May 20, 2020-11:10am
Umaabot sa P1-milyon tulong na ibinahagi ng Caritas Manila at Quiapo church para sa mga biktima ng bagyong Ambo sa Eastern Samar.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila bukod sa pangangailangan ng marami ng tulong dulot ng pandemic novel coronavirus ay hindi dapat isantabi ang pangangailagan ng mga naapektuhan ng bagyo.
“Nakita natin ang panawagan na lubog na lubog sa baha ang Eastern Samar. Sabi nga Yolanda Jr., ‘yung bagyong Ambo. Humingi sila ng bigas at trapal para sa 10-parokya kaya’t mga isang milyon at naghati ang Caritas Manila at Quiapo church na tig-500 thousand o isang milyong ayuda ang Eastern Samar,” ayon kay Fr. Pascual.
Una na ring itinuring ng mamamayan ng Eastern Samar ang bagyong Ambo bilang Yolanda Jr. dahil na rin sa iniwan nitong pinsala lalu na sa may pitong bayan ng lalawigan.
Taong 2013, kabilang din ang Eastern Samar sa mga lalawigan sa Visayas ang higit na nasalanta ng bagyong Yolanda kung saan higit sa 200 katao ang nasawi.
Sa ulat, bukod sa mga nasirang gusali, mga bahay at may 10-simbahan ang nasira dahil sa malakas na bagyo.
“Usually kapag ganiyan hindi na tayo nagpapadala ng in-kind ang ipinapadala natin ay cash para matulungan din ang ekonomiya ng lugar na naapektuhan ng kalamidad,” ayon pa sa pari.
Bukod sa mga pagkain, tubig at gamot, kinakailangan din ng mga nasirang simbahan ang malalaking trapal dahil sa natuklap ang mga bubong ng mga parokya nang malakas na bugso ng hangin ng bagyong Ambo.