281 total views
May 22, 2020, 1:21PM
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mananampalataya na patuloy ibahagi ang mabuting balita ng Panginoon sa lipunan lalo na sa gitna ng krisis na dulot ng pandemic corona virus disease.
Ayon kay Boac Marinduque Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Communications, ito ang ginagampanan ng simbahang katolika sa lipunan na nagpapalaganap ng magandang balita na nakaugat sa dakilang pag-ibig ng Diyos.
“Ang simbahan talaga ang gawain ay dalhin ang mabuting balita, yung mabuting kuwento, ng pag-ibig ng Diyos sa mundong ito,” pahayag ni Bishop Maralit sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng Obispo ay batay sa mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco sa ika – 54 na World Communications Day 2020, na ipagdiriwang sa Linggo, ika – 24 ng Mayo kasabay ng dakilang kapistahan ng pag-akyat ni Hesus sa langit o Ascencion Sunday.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Pope Francis ang tema ngayong taon “ang storytelling o pagbabahagi ng mga kuwento na makatutulong mapalakas ang bawat isa sa pamamagitan ng mga magagandang karanasan na batay sa katotohanan.
Sinabi ng Santo Papa na ang bawat isa ay maituturing na story-tellers sapagkat nagpapatuloy sa paglago ang bawat isa kasabay ng pagkakatuklas ng sarili tungo sa mas malalim na pakikipag-ugnayan sa kapwa at sa Diyos.
Kaugnay ditto, sinabi ni Bishop Maralit na napakahalaga ng misyon ng bawat isa at ng simbahan na ikuwento sa pamayananan ang magandang balita na hitik sa katotohanan.
“Paanyaya po talaga ito sa lahat ng mananampalataya hindi lamang sa mga communicators na tayo ay magpatuloy magbahagi sa kuwento ng pag-ibig ng Diyos na batay din sa kuwento ng ating pamumuhay bilang mga Kristiyano lalo na sa pagharap sa pandemyang ito,” giit ni Bishop Maralit.
PAANYAYA SA MGA MAMAMAHAYAG
Hinimok din ni Bishop Maralit ang industriya ng pamamahayag na itaguyod ang katotohanan sa pagbabahagi ng mga impormasyon sa publiko.
Ipinaalala ng Obispo sa mga mamamahayag na mahalagang balanse ang bawat kuwentong ibinabahagi at tunay na walang kinikilingan, hindi sumasang-ayon sa pansariling pananaw o sa sinasabi ng iba.
“Be courageous to bring out the truth lalo na sa gitna ng ganitong sitwasyon [pandemic] dahil pangangailangan talaga ng tao ang katotohanan,” dagdag ni Bishop Maralit.
Iginiit ng Obispo na napakahalaga ng gampanin ng mga tagapamahayag na dalhin ang katotohanan sa mamamayan.
Nanindigan si Bishop Maralit na ito ang mabisang panlaban sa lumalaganap na fake news sa lipunan partikular sa social media kung saan batay sa pag-aaral higit sa 60 porsyento sa populasyon ng mga Filipino ay aktibo sa internet.
SOCIAL COMMUNICATIONS MINISTRY
Labis ang pasasalamat ng obispo sa mga volunteers ng simbahan sa social communications ministry ng bawat diyosesis at parokya sa napakalaking tungkulin na ginagampanan ngayong humaharap ang simbahan sa krisis bunsod ng pandemic COVID 19.
Hinahamon ni Bishop Maralit ang SoCom na gamitin ang oportunidad na makapaglingkod sa Diyos at sa kapwa sa pamamagitan ng paghahatid ng mga gawaing pansimbahan sa pamamagitan ng livestreaming sa kabila ng kawalan ng sapat na kagamitan.
“Lagi akong nagpapasalamat sa kanila [SoComm Ministies]; I’m always telling them na ganito kahalaga ang trabaho ng pagdadala ng good news; we have to take courage na talagang we are given this opportunity, so don’t waste it,” saad ng obispo.
Pinayuhan ng Obispo ang SoCom na ipagpatuloy at palaguin ang kakayahan sa pagpapalawak ng network sa iba pang mga diyosesis upang higit na maipalaganap ang mabuting balita ng Panginoon at mga mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco sa pamamagitan ng social media at iba pang media platform.