256 total views
May 24, 2020, 3:53PM
Ang paggunita ng Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ni Hesus na kaalinsabay ng 54th World Communications Day ay pagkakataon sa bawat-isa na suriin ang sarili at paraan ng pakikipagkumunikasyon.
Ito ang hamon ni CBCP – Episcopal Commission on Youth Chairman Daet Bishop Rex Andrew Alarcon sa gitna ng krisis na kinahaharap ng bansa mula sa pandemya na Coronavirus Disease 2019.
Ayon sa Obispo, bahagi ng likas na katangian ng bawat nilalang ang pakikipagkomunikasyon at pakikipag-ugnayan na nalilimitahan ng quarantine at mga paraang ipinatutupad bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19.
“This Sunday is Ascension Sunday and also the 54th World Communications Day, it is a very good opportunity for us to look into ourselves, our nature as human beings it is in our nature to communicate, to connect kaya lang itong quarantine, itong virus, itong lockdown has limited our capacity to connect, communicate physically…”pahayag ni Bishop Alarcon sa panayam sa Radyo Veritas.
Ipinagdarasal ng Obispo na maging ng paghilom at pagbangon ng bawat isa ang maraming alternatibong paraan ng pakikipag-komunikasyon at makipag-ugnayan sa kabila ng community quarantine.
Ayon kay Bishop Alarcon, mahalagang maging sa pamamagitan ng social media, internet at cellphones ay maihatid ang mensahe ng pag-asa para sa lahat sa gitna ng mga pangamba at takot ng sambayanang Filipino.
“Nevertheless we are discovering new platforms for communications like social media, the internet, texting and different modes by posting pictures, videos, songs and others have made available movies, plays etc. all to communicate the message of hope that in this time of pandemic lahat tayo ay tinamaan pero kaya nating bumangon, kaya natin to heal ourselves…”paalala ni Bishop Alarcon.
Ang World Communications Day ay paalala sa hamon sa bawat isa na maibahagi ang mabuting balita ng Panginoon sa pamamagitan ng iba’t-ibang pamamaraan ng pakikipagkumunikasyon.
Naunang nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco na pagnilayan ng bawat isa ang paraan ng paggamit sa modernong teknolohiya sa pakikipagkomunikasyon at pagbubuo ng maayos na relasyon sa kapwa at sa komunidad.
Tema ng 54th World Communications Day ngayong taon ang “That you may tell your children and grandchildren (Ex 10:2) Life becomes history”.