299 total views
May 25, 2020, 2:04PM
Binigyan diin ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na malaking gampanin sa pagpapahayag ng ebanghelyo ang social communications.
Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David at Vice-President ng C-B-C-P, ito ay dahil sa lawak ng naabot ng internet at social media.
“Bakit natin hahayaan na ang Mabuting Balita hindi makaabot sa kamalayan ng mga tao, kapag pinanood ng tao sa online, livestream they are watching upclose malinaw, naririnig ng mabuti. They get every word,” ayon pa sa obispo.
Tinukoy ni Bishop David ang kahalagahan ng social media lalung-lalo na sa kasalukuyang panahon ng pandemya kung saan hindi pinahihintulutan ang paglabas ng mga tao at ang maramihang pagtitipon.
“But we have to cooperate with the government para masupil natin ang pandemya. Ngayon biglang naging lifeline ng simbahan ay ang social communications ministry,” ayon kay Bishop David sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Radio Veritas.
Nilinaw ng Obispo na itinaon ang pagdiriwang ng World of Social Communications sa Feast of the Ascension dahil dito nagsimula ang misyon ng simbahan sa pamamahayag ng mabuting balita.
“May misyon tayo at isa sa epektibong pamamahayag ay ang social communications kasi we cannot remain conservative with regard to communications,” ayon kay Bishop David.
Sa pinakahuling tala ng Department of Health, umaabot na sa higit 14-libong katao ang nahahawaan ng Covid-19 na bagama’t ibinaba na sa mas maluwag na panuntunan ang antas ng community quarantine ay hindi pa rin pinapahintulutan ang mass gatherings.
Bagama’t pinahintulutan ang pagdaraos ng pampublikong misa sa mga parokya, nililimitahan naman ng Inter-Agency Task Force sa ilalim ng modified enhanced community quarantine at general community quarantine ng hanggang sa 10-katao ang maaring dumalo sa misa.
Sa kabila nito, naghahanda na rin ang simbahan sa 86 na diyosesis sa buong bansa sa unti-unting pagbabalik ng mga misa sa parokya sa pamamagitan ng mga papairaling panuntunan ng kalinisan.
Sa inilabas na pamantayan ng C-B-C-P mahigpit na paiiralin ang social distancing, no-touch policy, paggamit ng face mask at paglalagay ng foot bath sa mga pintuan ng simbahan.