290 total views
May 26, 2020-2:07pm
Nakiramay at nakiisa si Catarman Bishop Emmanuel Trance sa pamilya ng Filipinong pari na pumanaw dahil sa novel coronavirus.
Labis ang panghinayang ni Bishop Trance sa pagpanaw ni Msgr. Romualdo Sosing sapagkat aktibo itong naglilingkod sa simbahang katolika na nakabase na ngayon sa New York sa Amerika.
“It was sad news for us, we are one in prayer in the diocese with the family of Msgr. Boy, we entrust everything to God and we know it is a great loss for the family, in the Diocese of Catarman and even to his diocese in New York,” pahayag ni Bishop Trance sa Radio Veritas.
Si Msgr. Sosing ang kauna-unahang Filipino na naging kura paroko Sa Long Island sa New York.
Ayon kay Bishop Trance, makahulugan ang pagpanaw ng pari na nation sa pagdiriwang ng kapistahan sa pag-akyat sa langit ng Panginoong Hesukristo kaya’t tiyak na ito’y nasa mabuting kalagayan na sa piling ng Panginoon.
Kasalukuyang naglilingkod si Msgr. Sosing sa Holy Name Parish sa Valley Stream nang magpositibo ito sa COVID 19 at pumanaw nitong ika-24 ng Mayo.
Ang pari ay naordinahan sa diyosesis ng Catarman noong 1977 at naglingkod sa Diocese of Rockville Center sa Amerika noong 2004.
Noong 2013 ganap na naging US citizen si Msgr. Sosing at ilan sa mga institusyon na kanyang pinagsilbihan ang St. Luke’s church sa Brentwood, Notre Dame sa New Hyde Park at sa St. Dominic sa Oyster Bay.
Isang misa naman ang ginanap sa Diyosesis Ng Catarman sa pangunguna ni Bishop Trance at Bishop-emeritus Angel Hobayan para sa kapayapaan ng kaluluwa ni Msgr. Sosing.
Ipinapanalangin naman ng Obispo ang lahat ng mamamayan sa New York lalo na ang mga Overseas Filipino Worker particular sa medical sector para sa kanilang kaligtasan mula sa nakahahawang virus kung saan sa naitala sa lugar ang mahigit 300-libong positibong kaso ng COVID 19 at sa naturang bilang halos 30-libo na ang nasawi.
“We are with them in prayer especially our healthcare workers and all Filipinos who are there, we know we are fighting in this invisible enemy, in all these we know there is nothing impossible with God we will be able to overcome this crisis. May we have the strength and patience to do everything to contain the virus; all the health protocols necessary so that we can stop the virus,” dagdag pa ni Bishop Trance.
Bukod kay Msgr. Sosing, una na ring nasawi dulot ng novel coronavirus si Augustinian Fr. Guilbert Centina III sa Espanya.
Habang sa Pilipinas, naitala na rin ang kauna-unahang pagkamatay ng isang pari dulot ng pandemya na si Fr. Arnel Celis na mula sa Diocese ng Tagum.