331 total views
June 2, 2020-12:04pm
Maituturing na ring ‘normal’ ang kasalukuyang sitwasyon sa North Cotabato na kabilang sa mga lugar na nasa ilalim nang umiiral na Modified General Community Quarantine.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, bahagya nang malaya ang pagkilos sa lalawigan maging ang komersyo at transportasyon.
“It’s almost like normal,” ayon kay Bishop Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
Nagsimula rin ang misa sa mga parokya sa nasasakupan ng Diocese ng Kidapawan bagama’t mahigpit na umiiral ang health protocols base na rin sa pamantayang inilibas ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na siya ring sinang-ayunan ng lokal na pamahalaan ng North Cotabato.
Ayon pa kay Bishop Bagaforo, bawat upuan ay may marka upang matiyak na 50-porsiyento lamang ng seating capacity ng mga mananampalataya ang maaring dumalo.
“We have markers sa mga upuan, pangalawa SOP na mayroong foot bath-disinfectant sa mga paa saka merong sanitizers at kinakailangan ang pag-wear ng facemask kasama na rin ang mga ministers of the sacrament, lectors and servers,” ayon pa sa obispo.
Nagsisilbi namang waiting area ang mga gymnassium na malapit sa simbahan para sa mga labis na bilang at dadalo sa susunod na oras ng misa.
Nakatakda ding pagpulungan ng diyosesis at mga parishioner ang paglalagay ng mga speaker sa waiting area upang doon na lamang sa labas makinig ng misa ang mga hindi na makakapasok sa Parokya.
“I-consult sa kababayan natin kung okay ba na dun na lang sila sa waiting area na makikinig na lang through speakers, device or monitor? We will see the development,” ayon kay Bishop Bagaforo na siya ring national director ng Caritas Philippines.