293 total views
June 2, 2020-12:13pm
Paiigtingin ng Diyosesis ng Balanga sa Bataan ang pagbabantay at pagpatupad ng mga safety measures upang matiyak ang kaligtasang pangkalusugan ng mga mananampalataya na dadalo ng mga Banal na Misa sa mga simbahan.
Sa panayam ng Radio Veritas sinabi ni Bishop Ruperto Santos na itatala ng mga parokya ang pangalan, tirahan at maging ang telepono ng mga mananampalataya bilang hakbang sa mas mabilis na contact tracing.
“The faithful can also apply the online reservation for the seating arrangement; we provide log book which includes complete address, time in and cellphone number to fill in,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ito ang isa sa mga pinaghahandaan ng diyosesis makaraang payagan ng pamahalaan sa pamamagitan ng Inter Agency Task Force na maari nang makapagmisa sa mga simbahan ngunit limitado lamang sa sampung katao ang maaring makadalo sa mga lugar na umiiral ang general community quarantine habang 50 porsyento naman sa kapasidad ng simbahan sa mga lugar na nakataas ang modified general community quarantine.
Ayon kay Bishop Santos bumuo na rin ng sanitation committee ang mga simbahan sa Bataan na tututok sa mga panuntunang pangkalusugan ng mga mananamapalataya sa lalawigan.
“As they enter [the church] a number which corresponds to their seating arragement is given, and member of sanitation committee will lead/point them to their respective seats,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Tiniyak ni Bishop Santos na kaisa ang simbahang katolika sa kampanyang pigilan ang paglaganap ng nakamamatay na corona virus na bumibiktima na sa halos 20-libong indibidwal sa Pilipinas.
Nanawagan din ang obispo sa mga senior citizens at kabataang edad 20 taong gulang pababa na huwag na munang dumalo sa mga misa sa parokya kundi ipagpatuloy ang pakikiisa sa online livestreaming ng mga pagdiriwang bilang pag-iingat sa kanilang kalusugan na posibleng malantad sa malaking banta ng pagkahawa.
Mahalaga ang mabilis na contact tracing sa mga taong nakasalamuha ng mga nagpopositibo sa COVID 19 upang mapigilan ang pagkakahawahawa sa mga komunidad.