254 total views
June 3, 2020, 2:52PM
Nasasaad sa encyclical ni Pope Leo the 13th noong 1891 na Rerum Novarum na bagamat bahagi ng katungkulan ng pampublikong awtoridad na supilin at parusahan ang anumang paglabag sa batas ay nararapat na igalang ang karapatang pantao.
Ang pagpapahalaga ng Simbahan sa karapatang pantao ay katungkulan ding protektahan ng Commission on Human Rights lalu na sa isinusulong na Anti-Terror Bill ng pamahalaan.
Tinukoy ng C-H-R ang maraming nakakabahalang probisyon sa panukalang batas na lalabag sa karapatang pantao ng mga ordinaryong mamamayan.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, walang sinuman ang nagnanais na muling maulit sa anumang panig ng bansa ang naganap sa lungsod ng Marawi, ngunit dapat na masusing suriin ang nilalaman ng panukalang batas na maaring maglalantad sa bawat isa sa kawalang katarungan.
“Hindi natin nais na maulit ito sa anumang bahagi ng bansa at nais na natin na ito ay mawakasan o hindi mangyari muli kaya lang kapag sinuri natin yung Anti-Terror Bill may mga probisyon na nakakabahala, pinakauna dito yung masyadong malawak na depinisyon ng terorismo…”pahayag ni de Guia sa panayam sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Atty. De Guia na dahil sa malawak na depinisyon ng panukalang batas sa terorismo ay maaring mapanagot ang sinumang mababansangan na terorista maging ang mga inosenteng mamamayan.
Isa sa mga tinukoy ni Atty. De Guia ay ang pagiging lantad ng mga kritiko ng pamahalaan na mataguriang terorista dahil sa pagpapahayag ng kanilang mga puna at opinyon sa paraan ng pamamalakad ng gobyerno sa kabila ng kawalan ng layunin na pabagsakin ang pamahalaan.
“Yung pangamba natin ay kahit sinuman na tao na binansagan lamang na terorista ay maari ng mapapanagot sa ilalim ng batas na ito. Sabi nga natin meron mga krimen doon na nakapaloob na sa Revise Penal Code na isinama doon sa definition ng terorismo and ang pinaka-dangerous yung nangyayari ngayon yung kahit sino na lamang na kritiko ng pamahalaan ay maari ng itrato bilang isang terorista…” dagdag pa ni de Guia.
Bukod sa pagiging lantad ng sinuman na maparusahan sa ilalim ng naturang panukalang batas ay kinuwesyon rin ng CHR ang 8 hanggang 10 araw na maaring iditena ang mga pinaghihinalaang lumabag sa batas na lubhang mahaba kumpara sa 36 na oras na nasasaad sa Revise Penal Code ng Saligang Batas.
Iginiit ni Atty. De Guia na ang panukalang batas ay nagtatanggal sa maraming mga karapatan ng mamamayan na dumaan sa naangkop na proseso ng batas.
Naunang sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘urgent’ ang panukalang House Bill 6875, o “Anti-Terror bill” na nag-aamyenda sa kasalukuyang anti-terrorism law ng bansa habang una na ring naipasa ang counterpart ng panukalang batas sa Senado na Senate Bill 1083.