333 total views
June 5, 2020, 1:43PM
Binigyang diin ni Balanga Bishop Ruperto Santos na dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan na higit na apektado ng pandemic corona virus.
Ayon sa Obispo, dapat unahin ang kapakanan ng mga Filipino na labis ng apektado ang kabuhayan dahil sa pandemya.
Dismayado si Bishop Santos na mas inuuna ng mga mambabatas ang pagtalakay sa anti-terror bill sa halip na ang mga hakbang na tutugon sa pangangailangan ng mga Filipino.
“What are most urgent with our present situation? They are finding cure, remedy against Covid19; healing of our country; and helping those who lost their livelihood, their jobs. Why not focus on these matters first rather than terror bill,” pahayag ni Bishop Santos.
Ikatlo ng Hunyo ng ipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang anti-terror bill na ikinabahala ng mamamayan.
Nangangamba si Bishop Santos na maging daan ito ng pang-aabuso partikular sa mga hindi sumasang-ayon sa kasalukuyang administrasyon.
“With this terror bill how do we know we are much safe? It can be used and abused to label anyone as terrorist. And that one falsely accused can be warrantless arrested,” dagdag ng obispo.
Nababahala rin ang United Nations Human Rights Office sa Anti-Terrorism Act sapagkat papalitan nito ang Human Security Act na nagpapahina sa mga hakbang upang protektahan ang karapatang pantao, at ang malawak na kahulugan ng terorismo.
Iginiit ni Bishop Santos na ‘peace loving people’ ang mga Filipino na nakahandang umagapay sa kapwa lalo’t higit sa labis na nangangailangan ng tulong.
Sinabi ng Obispo na wala sa kaisipan ng mamamayan ang terorismo at anumang uri ng karahasan kundi pagkakaisa at pagtutulungan upang mapagtagumpayan ang nararanasang pandemya.
Binigyang diin din ng obispo na ang paghahayag ng katotohanan ay hindi maaring ituring na terorismo sapagkat ito ang mabisang paraan upang labanan ang fake news na laganap sa lipunan.
“We are not terrors to one another. Truth is not terror. To tell the truth is not to terrorize. We should not fear truth nor be silent about the truth. With terror bill, truth is first casualty. And fake news or false accusation prevails.”