398 total views
June 8, 2020, 2:43PM
Tiniyak ng pamunuan ng Basilica Minore del Sto. Niño de Cebu na malusog at nasa mabuting kalagayan ang mga pari at kawani ng Basilica sa nakakahawang corona virus disease.
Ayon kay Rev. Fr. Aladdin Luzon, OSA, safety and security in-charge ng Basilica, nanatiling sarado sa publiko ang tanyag na simbahan upang bigyang daan ang quarantine period sa mga namamahala nito matapos makitaan ng sintomas ng COVID-19 ang isang kawani.
“At least walang positive sa mga pari; they are still healthy since the quarantine up until now,” pahayag ni Fr. Luzon sa Radio Veritas.
Ibinahagi rin ng pari na tinutulungan ng Basilica ang suspected COVID 19 patient upang mapagtagumpayan nito ang sakit.
Inihayag ni Father Luzon na nagkaroon ng lagnat at ubo ang nasabing kawani matapos bumili ng mga pagkain sa palengke.
Una nang inilagay sa hiwalay na silid ang dalawang kawani ng Basilica na itinuturing na primary contact ng biktima habang nasa isolation naman ang pitong iba pang nakasalamuha nito.
Matatandaang ika – 30 ng Mayo ng isinara sa publiko ang basilica para sa kaligtasan ng mga debotong nagtutungo sa lugar upang makapag-alay ng mga panalangin.
Sinabi ni Fr. Luzon sa Radio Veritas na isasailalim sa panibagong swab test ang mga kawani upang matiyak ang kalagayan at mabigyan ng agarang lunas ang magtataglay ng virus.
“This week may repeat swab test sila,” saad ni Fr. Luzon.
Patuloy namang nagpapasalamat ang pari sa mga mananampalataya lalo na sa mga deboto na nag-alala rin sa kanilang kalagayan lalo’t isa ang Cebu City sa may pinakamataas na kasong naitala sa 2, 756.
Hiling din ng mga Agustinong pari ang patuloy na panalangin para sa kaligtasan ng buong mundo mula sa pandemic corona virus na bumibiktima sa higit anim na milyong indibidwal.