263 total views
Nararapat magdeklara ng tigil putukan ang CPP-NPA-NDF laban sa puwersa ng pamahalaan upang maipakita ang kanilang sensiridad upang tuluyang makamit ang pangkalahatang kapayapaan sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni Former Parañaque Congressman Roilo Golez – dating National Security Adviser kaugnay sa nakatakdang pagsisimula ng pormal na peace talks sa Norway at pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa una nang idineklarang “Unilateral Ceasfire” matapos maganap ang labanan sa pagitan ng grupong New People’s Army at AFP-Civilian Auxiliary Force sa Davao del Norte.
Bukod dito binigyang diin rin ni Golez na dapat maging bahagi ng ceasefire agreement ng magkabilang panig ang pansamantalang hindi pagkilos partikular na ng kumunistang grupo upang palawakin pa ang kanilang idelohiya at impluwensya sa mga pamayanang kanilang nasasakupan.
“Kasama rin dapat sa ceasefire agreement yung hindi dapat kumikilos yung kabila para palawakin yung kanilang idelohiya, para palawakin yung kanilang baranggay na naiimpluwensyahan,” pahayag ni Golez sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nga nito inaasahang ipagpapatuloy pa rin ng pamahalaan ang nakatakdang peace talks sa pagitan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa ika-20 ng Agosto sa Oslo, Norway kung saan inaasahan na rin ang pagdideklara ng NDF ng Unilateral Ceasefire sa pagitan ng pamahalaan.
Samantala, bukod sa tigil putukan inaasahan rin ang pagpapalaya sa mga political prisoners na batay sa tala ng Karapatan (Alliance for the Advancement of People’s Rights) mula sa pinahuling tala noong ika-31 ng Mayo, 297 mula sa 509 na political prisoners ang ilegal na inaresto sa ilalim ng Administrasyon Aquino.
Sa bilang na ito 18 ang naitalang mga peace consultants ang NDFP, 88 ang may karamdaman, 48 naman ang mga matatanda habang tinatayang nasa 74 na mga detainees naman sa buong bansa na nananatiling wala paring hatol sa loob ng higit na 10-taon.