322 total views
June 21, 2020, 11:21AM
Ipinaliwanag ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na ang pagtutol ng simbahan sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Act of 2020 ay upang protektahan ang mamamayan laban sa posibleng pang-aabuso sa karapatang pantao.
Sa pagninilay ng obispo sa misang ginanap sa Radio Veritas chapel, sinabi nitong dapat mangamba ang mamamayan sa nasabing panukala sapagkat lubhang mapanganib ang probisyong napapaloob dito lalo na ang pag-aresto sa mga pinahihinalaang banta sa terorismo.
“Dapat mayroon tayong ipangamba sapagkat manganganib ang karapatang pantao ng mamamayan; kaya tayo tumututol dito [Anti Terrorism Act],” bahagi ng pagninilay ni Bishop Bacani.
Tinukoy ni Bishop Bacani na isa sa bumalangkas sa 1987 Constitution na sa isang probisyon sa naturang panukala ay naglalahad na maaring arestuhin ang sinumang mapaghihinalaang may ugnayan sa gawaing terorista na walang warrant of arrest at maaaring makulong sa loob ng labing-apat na araw at karagdagang sampung araw.
Ayon sa Obispo, ito ay isang malinaw na paglabag sa Konstitusyon na maaring magresulta ng mga paglabag sa karapatang pantao ng mga Filipino partikular na ang mga sumasalungat sa kasalukuyang administrasyon.
Inihalimbawa ng obispo ang personal na karanasan nito ng isinakdal ng Philippine National Police sa kasong sedition, inciting to sedition, cyber libel at iba pa.
Kasama ni Bishop Bacani sa naturang kaso sina Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Cubao Bishop Honesto Onctioco, Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, ang mga pari na sina Fr. Flavie Villanueva, Fr. Robert Reyes , Fr. Albert Alejo at maging si Vice President Leni Robredo na kapwa kritikal sa mga polisiyang ipinatutupad ng pamahalaan partikular na sa pagsugpo ng iligal na droga.
“Kung nagawa ito sa mga obispo, pari at maging sa mga politiko; kayang-kayang gawin din ito sa mga ordinaryong mamamayan,” dagdag pa ni Bishop Bacani.
Muling hinimok ng obispo ang mananampalataya na huwag katakutan ang tao bagkus ay dapat na matakot sa Diyos sapagkat ito ang humahatol sa huling araw.
Sinabi ni Bishop Bacani na ay babala sa mga makapangyarihang sumisikil, sa mga taong nagsasamantala ng kanilang lakas at kapangyarihan upang apihin ang kapwa.
Matatandaang pasado na sa dalawang kapulungan ang Anti Terror Bill at hinihintay na lamang itong lagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte bago tuluyang maisabatas.