303 total views
June 22, 2020, 1:50PM
Tiniyak ng Diocese of Cabanatuan sa Nueva Ecija ang pagsunod sa mga ipinatutupad na panuntunan ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-MEID) kaugnay sa pagsasagawa ng mga gawaing pansimbahan sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Ito ang ibinahagi ni Cabanatuan Bishop Sufronio Bancud kasunod ng pagdideklara ng MGCQ sa Region 3 na kinabibilangan ng probinsya ng Nueva Ecija simula noong ika-16 ng Hunyo hanggang ika-30 ng Hunyo.
Ayon sa Obispo, mahigpit ang pagtalima ng diyosesis sa mga panuntunan ng IATF kung saan patuloy rin ang pagpapaalala ng Simbahan sa mga mananamapalataya kaugnay sa pagsunod sa mga safety health protocol bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Bishop Bancud na nagtakda rin ng mga panuntunan ang diyosesis upang matiyak na masusunod sa lahat ng mga Simbahan ang mga pag-iingat sa sakit kabilang na ang social distancing o physical distancing.
“So sinusunod namin yung mga protocol na iniwan and we have to adapt it pero okey hopefully MGCQ na kami nag-prepare na agad kami ng protocol din para masunod, we know for a fact that there are people who come in, they are warned pero we already provide spaces talagang yung social distancing nakahanda…”pahayag ni Bishop Bancud sa panayam sa Radio Veritas.
Ang Diocese of Cabanatuan ay mayroong mahigit 30 mga parokya na gumagabay sa may 1.2-milyong mananampalatayang Katoliko ng diyosesis.
Nasasaad sa panuntunan ng IATF na sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) ay pahihintulutan na ang 50-porsyento ng kapasidad ng mga Simbahan.
Samantala nananatili naman sa 5-katao lamang ang maaring dumalo sa mga gawaing pansimbahan sa mga lugar kung saan umiiral ang Modified Enhanced Community Quarantine at hanggang sa 10-katao naman sa GCQ.