1,898 total views
June 23, 2020, 12:33PM
Ikinatuwa ng Diyosesis ng Maasin ang pagkilala ng Vatican bilang kauna-unahang diyosesis na gumamit ng renewable energy.
Ayon kay Bishop Precioso Cantillas, ikinagulat nito ang pagkilala sa maliit na hakbang ng diyosesis bilang tugon sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco na pangalagaan ang kalikasan.
“I am surprised to know that our humble effort to implement something to preserve our Mother Earth, heeding the call of Pope Francis’ Laudato si Encyclical letter, got a recognition and affirmation at a high level,” mensahe ni Bishop Cantillas sa Radio Veritas.
Sa dokumentong inilabas ng Vatican na may titulong ‘On the Journey for Care of the Common Home’ kinilala nito ang diyosesis sa pamumuno ni Bishop Cantillas sa paggamit ng mga solar power energy ng nasasakupang mga parokya.
Ayon sa obispo, ang pagkilala ay malaking bagay upang patuloy na palawakin ang kampanya at hikayatin ang mamamayan na gumamit ng renewable energy tulad ng solar panel.
“This news encourages us more to expand the use of renewable energy, solar power, which we have introduced in the Diocese,” dagdag ng obispo.
Ang naturang dokumento ay nilathala ng Vatican kasabay ng ikalimang anibersaryo ng ensiklikal ni Pope Francis na Laudato Si kung saan ito rin ay magsisilbing gabay ng mamamayan at sa lahat ng Simbahan sa mundo kung papaano isabuhay ang mga turo ng simbahan sa pagprotekta ng kalikasan.
Ang diyosesis ay binubuo ng 46 na mga parokya kung saan lahat ay gumagamit ng renewable energy.
Umaasa si Bishop Cantillas na makagagawa pa ng hakbang ang diyosesis na makatutulong mapangalagaan ang kalikasan sa payak na pamamaraan kasabay ng paghimok sa iba pang mga diyosesis na makiisa at tangkilikin ang renewable energy.
“Hopefully, we will reach a level where we can contribute more significantly to the restoration and preservation of our Environment. We also hope that more Dioceses will adopt this alternative power sources so that God’s creation will be restored even just in a little degree, and that the Church is continuing Christ’s mission of restoring all things back to how the Father has willed it,” giit ni Bishop Cantillas.