339 total views
June 24, 2020, 11:53AM
Ito ang malaking hamon sa bagong talagang Arsobispo ng Cagayan de Oro.
Si Malaybalay Bishop Jose Cabantan ay itinalaga ni Pope Francis na kapalit ni Archdiocese of Cagayan de Oro Archbishop Emeritus Antonio Ledesma.
Inihayag ni incoming Archbishop Cabantan sa Radio Veritas na marami at malaking hamon ang kanyang kaharapin sa pagbalik nito sa Archdiocese of Cagayan de Oro kung saan siya nagtapos sa St. John Vianney Theological Seminary at naging parochial vicar ng St. Augustine Metropolitan Cathedral.
“Marami at malaking hamon ang kaharapin ko sa pagbalik ko sa Cagayan Lalo’t marami na ang mga bagong pari na hindi ko kilala. So makihalubilo at makipag-ugnayan ako sa kanila, alamin ko ang kalagayan ng mga ministries,”pahayag ni Archbishop Cabantan sa Radio Veritas
Itinuturing din ng Arsobispo na malaking hamon sa kasalukuyan ang COVID-19 pandemic kung saan pinagbabawalan ang malalaking pagtitipon sa mga simbahan.
“Hamon din ang kasalukuyang sitwasyon ngayon ng Simbahan na kung hindi na talaga puwede magkaroon ng malaking pagtitipon sa mga parokya,” paglilinaw ng Arsobispo
Ibinahagi ng Arsobispo na kasalukuyang chairman ng Committee on Basic Ecclessial Communities ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na dahil naisara ng COVID-19 ang mga simbahan ay kanyang bibigyang tuon ang mga small community.
Iginiit ni Archbishop Cabantan na kanyang bubuksan ang simbahan sa bawat pamilya.
“Bibigyan tuon natin ngayon ang small communities. Naisara ng pandemic ang mga Simbahan sa parokya ngunit binuksan naman ang Simbahan sa bawat pamilya, so thats a good lesson to start,” pahayag ng Arsobispo sa Radio Veritas
Lubos namang ikinatuwa ni Archbishop Ledesma ang pagkakahirang ni Pope Francis kay Cabantan na kanyang kapalit na arsobispo sa Archdiocese of Cagayan de Oro.