184 total views
Nararapat tutukan ng pamahalaan ang pagbibigay ng rehabilitasyon at paggabay sa libu-libong drug pushers at users sa bansa na kusang sumuko sa gitna ng mas pinaigting na kampanya ng Duterte Administration laban sa ilegal na droga.
Giit ni Sr. Mary John Mananzan, OSB – dating Co-Chairperson ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines at Former President ng St. Scholastica’s College, hindi tunay na malulutas ang problema ng drug addiction sa bansa kung hindi gagabayan ng pamahalaan ang mga ito sa kung paano tuluyang mawawala ang kanilang pagkahumaling sa ipinagbabawal na gamot.
“They have to ‘yung pusher and addict they have to have counseling, kasi yung mga sinasabing ang dami-daming nagsu-surrender okey lang yun pero anong ginagawa sa kanila, are they even given counseling, is there places for them kasi anong mangyayari pag-mag-surrender sila? Wala namang nagka-counsel sa kanila, wala naman silang pinupuntahan in order to break their habit, e kung thousand and thousand paano ba nila yun magagawa?” pahayag ni Sr. Mananzan sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, batay sa pinakahuling tala ng Philippine National Police, mula lamang July 1 hanggang 21 ngayong taon ay tinatayang umaabot na sa mahigit 300 ang mga namamatay sa gitna ng operasyon ng mga pulis, higit 121 libo ang kusang sumuko, higit 3,500 ang inaresto habang tinatayang umaabot naman sa 62-libong bahay ang kinatok sa ilalim na rin ng Oplan Tokhang.
Samantala, ayon sa Dangerous Drugs Board tinatayang nasa 1.3 milyon ang bilang ng mga gumagamit ng ilegal na droga sa Pilipinas kung saan nangunguna sa mga ito ang shabu, sunod ang marijuana, cocaine, ecstasy at solvent.
Sa buong bansa nasa 44 lamang ang bilang ng rehabilitation center na nasa ilalim ng pamamalakad ng pamahalaan habang tanging dadalawa lamang ang kabilang sa DOH Accredited Treatment and Rehabilitation Centers ng Dangerous Drugs Board na pinamamahalaan ng religious congregations ng Simbahang Katolika.