392 total views
June 29, 2020, 9:00AM
Hinimok ng tagapangasiwa ng Arkidiyosesis ng Maynila ang mananampalataya na ipagdasal ang Santo Papa sa kanyang misyon na pangasiwaan ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa kanyang pangangalaga.
Ito ang mensahe ni Bishop Broderick Pabillo sa pagdiriwang ng Pope’s Day ngayong 2020 sa gitna ng krisis na dulot ng corona virus disease 2019 pandemic na higit nakakaapekto hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig.
Ayon sa Obispo, higit na kinakailangan ni Pope Francis ang mga panalangin lalo’t malaki ang ginagampanan nito sa lipunan sa paghikayat na manatiling positibo sa gitna ng negatibong epekto ng pandemya sa bawat mamamayan.
“Ipagdasal natin ang Santo Papa ‘yan po yung dahilan ng Pope’s Day na tayo’y makiisa sa kanya lalong lalo na sa panahon ngayon na malaki po ang papel ng Santo Papa to encourage all of us sa panahon ng pandemic na dapat hindi tayo panghinaan ng loob,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa nakaugalian, may Banal na Misa ang taunang ipinagdiriwang sa Minor Basilica of the Immaculate Conception o Manila Cathedral sa pangunguna ng arsobispo.
Ngayong taon pansamantalang kinansela ang pagdiriwang dahil sa patuloy na pagpaigting ng community quarantine bilang pag-iingat na magkahawa-hawa ang mamamayan.
Sa pagdiriwang ng Pope’s Day, karaniwang nag-iimbita ang Apostolic Nunciature ng Pilipinas ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan at iba pang foreign dignitaries sa bansa ngunit ipinagpaliban ito ngayong taon bunsod na rin ng pandemya.
Kaugnay dito, isang pribadong misa ang pangungunahan ni Bishop Pabillo sa Nunciature ganap na ika – 11 ng umaga na dadaluhan ng mga kawani at ilang pari.
Bukod dito hiling din ni Bishop Pabillo ang panalangin na mawakasan na ang COVID-19 pandemic at manumbalik na sa normal ang sitwasyon.
Dasal din ng Obispo ang pagtatalaga ng bagong kinatawan ni Pope Francis sa Pilipinas na kasalukuyang sede vacante makaraang maitalaga si Archbishop Gabrieli Giordano Caccia bilang Permanent Observer ng Santo Papa sa United Nations.
Ang Pope’s Day ay ipinagdiriwang kasabay ng Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo tuwing ika – 29 ng Hunyo.
Ito ay isang tradisyunal na pagdiriwang ng Simbahan bilang pagbibigay parangal kay San Pedro na itinalaga ni Hesus bilang unang Santo Papa ng Simbahang Katolika.
Si Pedro rin ang kauna-unahang Obispo sa Roma na itinalaga ni Hesuskristo habang si Pablo naman ang namuno sa mga apostol.