208 total views
July 8, 2020, 3:31PM
Ikinalungkot ng Apostolic Vicariate of Jolo ang pagkakaroon ng unang kaso ng Coronavirus Disease 2019 sa probinsiya ng Tawi-Tawi.
Ayon kay Jolo Bishop-elect Charlie Inzon, OMI, nakalulungkot na sa kabila ng maituturing na “natural quarantine” ng Tawi-Tawi dahil sa pagiging isla nito ay nagkaroon pa rin ng kaso ng nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang pagiging isla ng Sulu at Tawi-Tawi ay isang natural na proteksiyon ng mamamayan kung matitiyak lamang ang mahigpit na mga patakaran at alituntunin sa pagpasok ng mga nagmula sa ibang lugar.
“Siyempre nalulungkot tayo kasi itong mga lugar na ito parang merong natural quarantine yan sila kasi diba mga island sila Island of Tawi-Tawi, Island of Sulu so dapat parang shielded sila sana kung walang mga pumapasok shielded sana sila from the virus kasi yun yung natural protection nila surrounded by mga dagat…”pahayag ni Bishop-elect Inzon
Tinukoy ni Bishop-elect Inzon ang isla ng Tawi-Tawi na dahil sa geographical situation na may halos isang oras ang pagitan ng mga bayan ay mayroon sanang natural na proteksiyon mula sa COVID-19 kung nasasala ng mabuti ang mga papasok ng probinsya.
“Lalo na sa Tawi-Tawi island towns kasi sila yung mga towns one-hour yung (pagitan) one town, so yung pagpasok nung virus parang nasasala na agad diba, parang may natural quarantine sila kaya swerte din yung lugar dito dahil sa ganung geographical situation…”Dagdag pa ni Bishop-elect Inzon.
Ayon sa Tawi-Tawi IATF, ang unang kaso ng COVID-19 sa probinsya ay 44 na taong gulang na lalaking PNP Personnel na mayroong travel history mula sa San Isidro, Quezon City na nagtungo ng Zamboanga City, Basilan pabalik ng Zamboanga City bago nagtungo ng Tawi-Tawi.
Dumating ito sa Bongao Port noong June 30, 2020 at asymptomatic na sa kasalukuyan ay naka-isolate na.
Buwan ng Abril taong kasalukuyan ng itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco si Bishop-elect Inzon bilang bagong Obispo ng Apostolic Vicariate of Jolo kahalili ni Cotabato Archbishop Angelito Lampon.
Ang Apostolic Vicariate of Jolo ay nakasasakop sa probinsya ng Sulu at Tawi-Tawi na may tinatayang higit sa 29,500 mga mananampalatayang Katoliko.