1,093 total views
Isinasabuhay ng isang Mambabatas ang Laudato Si ni Pope Francis sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga batas na magbibigay proteksiyon sa kalikasan.
Ayon kay Ifugao Lone District Representative Teddy Baguilat, lubos ang kanyang paghanga sa Santo Papa hindi lamang dahil sa pagprotekta nito sa kalikasan kundi dahil rin sa pagmamahal nito sa mga katutubo.
Dahil dito, iginiit ni Congressman Baguilat na ang kanyang mga legislative agenda sa Kongreso ay nakasentro sa pangangalaga sa kapaligiran at sa buhay ng pamayanan lalo na ng mga katutubo.
“Ako talaga ay humahanga sa ating Santo Papa hindi lang sa suporta nya sa pangangalaga sa ating kalikasan, kundi yung kanyang pakikiisa sa karapatan ng mga katutubo kasi ang katutubo at kalikasan konektado yan, dahil nga dito bilang isang katoliko, ito yung aking legislative agenda, tungkol sa mga environmental bills natin na inilalaban ko sa kongreso,” pahayag ni Cong. Baguilat sa Radyo Veritas.
Sa tala ng UNDP Philippines o United Nations Development Programme mayroong 14 hanggang 17 milyong katutubo sa Pilipinas na kabilang sa 110 ethnic groups.
Samantala, kinondena rin ng Santo Papa Francisco sa kanyang Laudato Si ang ginagawang pagpapalayas sa mga katutubo sa kanilang Ancestral Lands, dahil sa pagpapapasok ng mga negosyo tulad ng plantasyon at mga pagmimina.
Magugunitang binalaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mining firm na sumunod sa itinatadhana ng batas upang hindi mapasara at matigil ang kanilang operasyon.