358 total views
July 18, 2020-9:31am
Nakahanda ang Caritas Manila na tulungan ang sektor ng transportasyon na makabangon mula sa epekto ng krisis na dulot ng corona virus pandemic.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng social arm ng Archdiocese of Manila mahalagang ma-organisa ang mga jeepney drivers na labis naapektuhan ng pandemya dahil sa patuloy pa ring ipinagbabawal ang pagbiyahe nito lalo na ang mga lumang jeep.
Giit ng pari, maaring bumuo ng kooperatiba ang mga jeepney drivers upang mas lumakas at tumatag ang samahan nito.
Ang mensahe ng opisyal ng Caritas Manila ay kasabay ng pamamahagi ng tulong sa mga tsuper sa Tutuban – Divisoria area na hindi nakapagbiyahe dahil sa patuloy na pag-iral ng general community quarantine sa Metro Manila.
“Mahalaga dito sila’y [jeepney drivers] pumasada at tumaas ang kita at pag organisado sila makatutulong ang kooperatiba at ang Caritas Manila na magbigay ng initial funding,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Sa pakikipanayam ni Fr. Pascual sa mga apektadong driver, sinabi ritong may asosasyon ang ang Tutuban – Moriones – Dagupan area kaya’t magandang simulain ito na magtayo ng kooperatiba na higit makatutulong sa kanilang kabuhayan.
Sa pahayag naman ni Rodel Dela Cruz isa sa mga tsuper, labis na kahirapan ang dulot ng pagbabawal na makabiyahe sapagkat wala itong magkukunan ng pambili ng pagkain at pangunahing pangangailangan sa pamilya.
Aniya, umaasa nalang ang kanyang pamilya sa mga ibinibgay na ayuda mula sa iba’t ibang grupo tulad ng Caritas Manila.
“Wala na po, dun nalang kami sa bahay, minsan may nagbibigay ng ayuda dito mga kagawad namin binibigyan kami ng bigas, pinagkakasya naman namin,” saad ni dela Cruz.
Pagbabahagi ni Dela Cruz, noong bago maglockdown nasa pagitan ng 800 piso hanggang 1, 200 piso ang kinikita nito sa buong araw na pamamasada na iniuwi sa kanyang pamilya subalit sa pagpatupad ng community quarantine nawala ang lahat ng kanyang pagkakitaan.
“Mula nung magkalockdown wala na, minsang bumiyahe nga ko singkwenta pesos nalang naiuuwi namin hati pa kami ng operator,” ani ni Dela Cruz.
Samantala sinabi naman ni Fr. Pascual na ang tulong na Manna bags mula sa Caritas Manila na may lamang mga pagkain ay hindi pangmatagalan kaya’t mahalagang tuturuang ang grupo na magkamit ng pangmatagalang pagkakitaan tulad ng kooperatiba upang mas mabilis na matugunan ang pangangailangan ng pamilya sapagkat maaring umutang ang bawat kasapi ng kooperatiba habang kumikita rin ito sa bawat dividendo.
“Pwede tayong magtayo ng kooperatiba para matulungan sila sa leadership magbakas-bakas sila ng puhunan upang ang pangangailangan nila sa araw-araw ay matugunan pwede sila mangutang at magdeposito sa koop, anuman ang kitain nila ay babalik sa kanila sa pamamagitan ng dividendo at rebate,” dagdag ng pari.
Umabot sa 186 na mga jeepney drivers ang natulungan ng Caritas Manila nitong ika-15 ng Hulyo sa Tutuban area habang tiniyak ng institusyon ang pagtulong sa iba pang mga driver sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.