410 total views
Nagsasalita ang Simbahan kaugnay ng mga usaping panlipunan upang gabayan ang mga tao.
Ito ang binigyang diin ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa usapin ng Separation of Church and State kasunod ng akusasyon ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na pakikialam ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) upang impluwensyahan ang Korte Suprema kaugnay sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020.
Paliwanag ng Obispo, ang pagsasalita at pakikibahagi ng Simbahan sa mga usaping panlipunan ay naglalayong gabayan ang mga mamamayan upang makita ang mga pangyayari sa maka-Kristyanong pananaw. “nakikita natin na kailangan gabayan yung mga tao, kaya yan nagsasalita ang Simbahan para gabayan yung mga tao na tingnan ang mga nangyayari in a perspective that is Christian…” Ang bahagi ng pahayag ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa naganap na SONA Mass for Peace and Justice Online Press Conference.
Giit ni Bishop Pabillo, matagal ng nagsasalita at nakikibahagi ang Simbahan sa mga mahahalagang usaping panlipunan subalit maaring ngayon lamang nakita at napuna ng pamahalaan dahil sa mas naging madalas ito dulot na rin ang mas malalaking suliraning panlipunan na kinahaharap ng bansa.
Pagbabahagi ng Obispo, hindi maaring manahimik na lamang ang Simbahan sa mga hindi naaangkop na pagtugon ng pamahalaan sa mga tunay na suliranin at pangangailangan ng bayan tulad na lamang sa usapin ng kalusugan, trabaho at iba pang epekto ng COVID-19 pandemic sa bansa.
“Nagsasalita na ang Simbahan, ngayon siguro nakita lang nila ngayon ay mas madalas dahil sa mas malaki ang problema natin, problema nga natin yung sinabi ng mga lider ng mga grupo yung kapalpakan sa pagtugon ng pangangailangan ng bayan, yung health issues, yung trabaho, tapos yung mga ginagawa ng pamahalaan na hindi naman nakakatugon sa problema ng tao ngayon…” Dagdag pa ni Bishop Broderick Pabillo.
Ang akusasyon ni Chief presidential legal counsel Salvador Panelo ay kasunod ng paglalabas ng liham pastoral ng CBCP na nananawagan ng pananalangin at pagiging mapagmatyag ng publiko matapos na maging epektibo ang kontrobersyal na Anti-Terrorism Law of 2020 sa kabila ng kawalan ng Implementing Rules and Regulations sa nasabing batas.
Ika-18 ng Hulyo ng maging epektibo ang kontrobersyal na Anti-Terror Law labinglimang araw mula ng lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang batas noong ika-3 ng Hulyo kung saan sa kasalukuyan ay hindi bababa sa siyam na petisyon ang inihain ng iba’t-ibang grupo at indibidwal sa Korte Suprema upang kwestyunin ang legalidad ng panibagong batas na naglalayong amyendahan ang nauna ng Anti-Terror Law ng bansa.