281 total views
July 28, 2020, 2:57PM
Dismayado ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – National Secretariat for Social Action (NASSA)/Caritas Philippines sa pag-uulat sa bayan ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kabiguang pagkaisahin ang mamamayan sa pagtugon sa mga mahahalagang usapin sa lipunan.
Sa pahayag ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, National Chairperson ng social arm ng simbahan, sinayang lamang ng punong ehekutibo ang pagkakataong ipakita sa taumbayan ang pagiging pinuno ng bansa na may paggalang at pagpapahalaga sa kapakanan ng mga Filipino.
“He was so enraged with past disappointments all he can think of is revenge, which at the end of his speech, just divided further an already broken nation,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Sinabi ni Bishop Bagaforo na ang mga tinalakay ng pangulong Duterte sa ikalimang State Of the Nation Address ay mga inulit na usapin partikular na ang giyera kontra droga na nagresulta ng pagkamatay ng halos 30, 000 indibidwal na pawang biktima ng extra-judicial killing.
Ayon naman kay Rev. Fr. Tony Labiao, Executive Secretary ng komisyon, kulang sa habag at pakikiisa sa mga mahihinang sektor ang talumpati ng pangulo sa halip ay pawang pagpupuri sa mga malalapit na kaibigan.
Kapwa naniniwala si Bishop Bagaforo at Fr. Labiao na bigo ang punong ehekutibo na ilahad sa publiko ang mga hakbang sa pagsasaayos ng health care system ng bansa sa gitna ng kasalukuyang krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Bukod dito, pinuri naman ng mga opisyal ng Caritas Philippines ang pahayag ng pangulong Duterte sa pagpapaunlad sa pamamaraang pagprotekta sa kabataan laban sa pananamantala at pang-aabuso.
Ikinabahala naman ng Caritas Philippines ang pabago-bagong pananaw nito sa buhay at karapatang pantao tulad na lamang ng kagustuhang ibalik ang death penalty.
Pinasalamatan din ni Bishop Bagaforo ang punong ehekutibo sa pagtiyak na tulungan ang mga migranteng Filipino at sa kapakanan ng mga manggagawa.
“We thank the president for seeing the need to improve the economic situation of those who work in the public sector. We recognize his move to provide a more effective system for retirement and pension. We even laud the government’s anti-red tape measures, its programs for the OFWs, and the initiatives to support small and medium enterprises. But these are the regular affairs of the government, the mandates of a public office,” dagdag ng obispo.