357 total views
August 2, 2020, 9:30AM
Nagpahayag ng suporta at pakikiisa ang Archdiocese of Manila sa panawagan ng mga medical frontliner na muling magpatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa loob ng 2 linggo upang magkaroon ng pagkakataon na makapagpahinga mula sa patuloy na pagdami ng kaso ng Coronavirus Disease 2019 sa bansa.
Bilang tugon sa panawagan ng mga medical frontliner, ipinag-utos ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang muling pagsunod ng lahat ng mga Simbahan at Dambana sa arkidiyosesis sa mga panuntunan sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine.
Ayon sa Obispo, sa loob ng dalawang linggo mula ika-3 hanggang ika-14 ng Agosto ay pansamantalang muling ititinigil ang pagsasagawa ng mga pampublikong Banal na Misa at iba pang religious activities sa mga Simbahan sa arkidiyosesis.
Maari namang mapapanood at maririnig ang mga religious activities sa pamamagitan ng live streaming at online masses.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, gagamitin din itong pagkakataon ng arkidiyosesis upang suriin ang naging pagtugon ng Simbahan sa krisis na dulot ng COVID-19 at kung papaano ito higit na paiigtingin upang makapagpaabot ng tulong sa lahat ng mga naapektuhan ng pandemya.
“As a response to the call of our medical people, all the churches and shrines in the Archdiocese of Manila will revert to the period of the ECQ protocols. We will not hold public religious activities from August 3 to August 14 but we continue our online religious activities. We will also use this time to evaluate our church response to the pandemic and see how we can improve them.” bahagi ng Pastoral Instruction ni Bishop Pabillo sa panawagan ng mga Medical frontliner.
Ipinaliwanag ng Obispo na nauunawaan ng Simbahan ang dahilan ng mga medical frontliner sa pananawagan ng muling pagpapatupad ng ECQ partikular na sa Greater Manila Area hindi lamang upang magkaroon ng pagkakataon na makapagpahinga na lubos nilang kinakailangan kundi upang masuri din ang pagtugon ng pamahalaan sa pandemya.
Iginiit ni Bishop Pabillo na ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay maaring senyales na hindi epektibo ang paraan ng pagtugon sa nakahahawa at nakamamatay na sakit bagamat mahigit apat na buwan at kalahati nang nagpapatupad ng community quarantine ang pamahalaan.
“We understand that they call for this not only for their own respite, though they truly need one. They call for a period of time to reassess the response that we as a country have to this pandemic. It seems that the current responses are not working because the cases are rising after four months and a half of quarantine. So all the stakeholders really need this time to come together to evaluate and improve our approaches to fight this pandemic.” Dagdag pa ng Obispo
Read: https://www.veritas846.ph/pastoral-instruction-we-hear-the-call/
Sa pinakahuling ulat, umabot na sa mahigit 98,000 ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.