342 total views
August 2, 2020, 3:21PM
Magpapatupad ng dalawang linggong suspensyon sa pagsasagawa ng mga pampublikong liturhiya ang Diocese of Parañaque.
Ayon kay Parañaque Bishop Jesse Mercado, ang naturang hakbang ay bilang tugon at pakikibahagi ng diyosesis sa panawagan ng mga medical frontliners sa pamahalaan upang pansamantalang muling ipatupad ang Enhanced Community Quarantine bunsod ng patuloy pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Mula ika-3 hanggang ika-14 ng Agosto ay muling ititigil ng diyosesis ang pagsasagawa ng mga pampublikong Banal na Misa habang patuloy naman na maaring makibahagi ang mga mananampalataya sa mga banal na pagdiriwang sa pamamagitan ng livestreaming at online mass.
“The Diocese of Parañaque will also do the same (suspension of public masses) within the same period of time from August 3 – 14, 2020.” Mensahe ni Bishop Mercado sa panayam sa Radio Veritas.
Nauna ng nanawagan ng pakikibahagi ang Diocese of Parañaque sa pagsasagawa ng Misa-Nobenaryo para sa pagdiriwang ng ika-395 taong pagkakaluklok at kapistahan ng Nuestra Señora del Buen Suceso sa ika-10 ng Agosto, 2020 sa pamamagitan ng Online Live Streaming sa mga Facebook page ng The Cathedral Parish of St. Andrew at Roman Catholic Diocese of Parañaque.
Tema ng pagdiriwang ng ika-395 taong pagkakaluklok at kapistahan ng Nuestra Señora del Buen Suceso na ina at pintakasi ng Lungsod at Diyosesis ng Parañaque ang “NANA CISO: huwaran ng pag-asa at pagtitiwala na ang lahat ay mapangyayari ng Diyos para sa ating ikabubuti.”
Batay sa tala mayroong mahigit sa 1.4-na-milyon ang bilang ng mga Katoliko sa Diocese of Parañaque na ginagabayan ni Parañaque Bishop Jesse Mercado bilang punong pastol ng diyosesis.
Nauna ng ipinag-utos ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo at Diocese of Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang dalawang linggong pagsususpendi ng mga pampublikong liturhiya sa mga Simbahan bilang tugon at suporta sa panawagan ng mga medical frontliners sa pamahalaan.
Read: https://www.veritas846.ph/diocese-of-cubao-tumugon-sa-panawagang-time-out-ng-medical-frontliners/
https://www.veritas846.ph/archdiocese-of-manila-magpapatupad-ng-2-linggong-lockdown/