245 total views
August 3, 2020, 9:14AM
Mahalaga na maging organisado at maayos ang pamamaraan ng pamahalaan sa pagtugon sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Ito ang ibinahagi ni Bro. Armin Luistro, FSC – President, De La Salle Philippines kaugnay sa patuloy na banta ng nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Ayon kay Luistro, bagamat hindi maaaring i-asa ang lahat sa pamahalaan ay napakahalaga naman na maging organisado ang mga hakbang ng pamahalaan lalu ang pagtiyak na napupunta sa mga apektadong mamamayan ang pondong nakalaan.
“Hindi natin maaring iasa lahat sa gobyerno pero napakalaki ng maibibigay ng gobyerno kung maayos, organisado at saka hindi nawawala yung pera na iaambag, ayuda para sa ating mga kababayan…”pahayag ni Luistro sa panayam sa Radyo Veritas.
Tiniyak ni Luistro na bukas at handa ang Simbahan maging ang mga pribadong sektor upang makatulong at makatuwang ng pamahalaan para matugunan ang krisis na dulot ng COVID-19 sa bansa.
“Konting organisasyon lang naman yan, at kung kailangan ng tulong ng gobyerno humingi sa Simbahan, sa pribadong mga sektor maraming gustong tumulong.” Dagdag pa ni Luistro
Nilinaw naman ni Luistro na may maibabahagi ang bawat isa upang makatulong sa gitna ng krisis na dulot ng pandemya kabilang na ang pagbabahagi ng pagkain at maging ng panahon para sa mga lubos na apektado ng krisis, gayundin ang pagkakaloob ng mapagkikitaan sa mga nawalan ng hanapbuhay.
Iginiit din ni Luistro ang pagbibigay suporta at halaga sa mga frontliners at ang mahigpit na pagsunod sa mga ipinatutupad na patakaran at safety health protocol upang maiwasan na ang pagkalat ng COVID-19.
“Kung meron tayong maibibigay at maibabahagi na pagkain para sa iba, panahon na ito para magbahagi ng kaunti galing sa ating mesa, pangalawa kung makakapagbigay tayo ng kahit konting trabaho at pangatlo yung ating kalusugan sana suportahan natin lahat ang mga frontliners at saka tayo mismo ay sumunod doon sa mga patakaran na hindi magpapalala dito sa ating sitwasyon sa COVID-19…”panawagan ni Luistro.
Sa pinakahuling ulat, umabot na sa mahigit 100,000 ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Noong Hunyo, lumabas sa datos ng Philippine Statistics Authority na umaabot na sa 7.3-milyong Filipino ang walang trabaho o unemployed na naitala noong Abril.
Nangangahulugan ito ng karagdagang 5-milyong indibidwal na walang trabaho.