340 total views
August 3, 2020, 8:53AM
Ipinanalangin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Clergy ang lahat ng pastol ng simbahang katolika sa buong mundo lalo’t higit ang mga paring Filipino na patuloy humaharap sa hamong maglingkod sa gitna ng krisis na dulot ng corona virus pandemic.
Sa panayam ng Radio Veritas kay San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, chairman ng komisyon, sinabi nitong mahalagang ipagdasal ang bawat pari na mapagtagumpayan ang pagiging kaisa ni Kristo sa pagmimisyon at pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos sa kabila ng mga limitasyong dulot ng pandemya.
“Ipagdasal natin na sa gitna ng Corona Virus pandemic ang ating mga lingkod-pari ay magpatuloy sa kanilang misyon: ang pagdiriwang ng misa at pagpapahayag ng Mabuting Balita,” pahayag ni Bishop Famadico sa Radio Veritas.
Ang mensahe ng obispo ay kaugnay na rin sa pagdiriwang at paggunita sa kapistahan ni San Juan Maria Vianney ang patron ng mga pari at kura paroko.
Tiwala si Bishop Famadico na patuloy na itaguyod ng mga pari ang pagtugon sa pangangailangan ng mananampalataya lalo’t higit ang mga dukha na labis apektado ng krisis dahil sa kawalan ng pagkakakitaan.
Dagdag pa ng obispo na sa pagpapatuloy ng mga pari sa kani-kanilang gawaing pagkalinga sa kawan ng Diyos ay naipapadama ang dakilang pag-ibig ng Panginoon sa sangkatauhan at maramdaman ang pagiging kaisa ng Diyos sa krisis at hamon ng buhay na kinakaharap ng bawat isa.
“Sa ganitong diwa maipapadama nila na si Jesus ay nananatiling kapiling natin at hindi tayo iniiwanan ni pinababayaan ng Diyos,” dagdag ni Bishop Famadico.
Hiniling din ng obispo sa mananampalataya ang patuloy na panalangin sa lahat ng mga pari sa buong mundo na tinatayang mahigit sa 400, 000 kung saan dalawang porsyento dito ang naglilingkod sa Pilipinas o katumbas sa higit sampung libong mga pari na nangangasiwa sa 86-porsiyentong Katoliko.