385 total views
August 6, 2020, 2:22PM
Tiniyak ng Military Ordinariate of the Philippines ang pananalangin para sa kaligtasan at kapakanan ng mga alagad ng batas na nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019.
Ayon kay Military Ordinariate Bishop Oscar Jaime Florencio, bukod sa mga pulis ay ipinagdarasal din ng M-O-P ang lahat ng puwersa ng pamahalaan na lantad sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Ipinaliwanag ng Obispo na maituturing silang mga frontliners na nakikibahagi sa pagsugpo ng COVID-19 pandemic sa bansa sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga safety health protocols at iba pang alintuntunin bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19.
“Dinadasal namin ang aming mga police officers lalong lalo na yung nakaroon ng COVID-19, nadapuan ng COVID-19, hindi lang yung police officers yung military at ibang branch of service under sa Military Ordinariate sila ay nagbibigay ng kanilang sarili upang masugpo itong COVID-19 sa pamamagitan ng kanilang pag-implement ng protocols, ng health protocols…” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam sa Radyo Veritas.
Batay sa pinakahuling datos ng PNP Health Service noong ika-5 ng Agosto, umaabot na sa 2,347 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police kung saan 11 na ang nasawi habang nasa 1,384 naman ang gumaling.
Saklaw ng Military Ordinariate of the Philippines ang pangangasiwa sa paggabay sa buhay espiritwal ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management & Penology (BJMP) at Veterans Memorial Medical Center (VMMC).