404 total views
Pinuna ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa kanyang unang misa matapos na gumaling mula sa COVID-19 ang pangunguna ng Pilipinas sa may pinakamadaming kaso ng Coronavirus Disease 2019 sa mga bansa sa Asya.
Ayon kay Bishop Pabillo, nakababahala at nakahihiya ang sitwasyong kinasasadlakan ng bansa na nangangahulugan rin na maaaring matagalan pa bago tuluyang maisaayos at muling makabawi ang ekonomiya ng bansa.
“Ngayon po nasasaksihan natin ang mga masasamang pangyayari sa ating bansa, tayo na ang nauuna sa Asya sa bilang ng Coronavirus cases nakakahiya ito at nakakabahala. Ang ibig sabihin matatagalan tayo bago magkaroon ng maayos na economic recovery, patuloy ang matamlay o naghihingalo na ekonomiya.” Ang bahagi ng pagninilay ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa kanyang unang misa sa Veritas Chapel.
Dismayado rin ang Obispo sa kawalan ng ganap at kongkretong plano ng pamahalaan upang sugpuin ang krisis pang-ekonomiya na dulot ng COVID-19 pandemic kung saan mas binibigyang prayoridad pa ng mga mambabatas ang pasusulong sa pagbabalik at muling pagsasabatas ng death penalty sa bansa.
“Nakakalungkot pa, walang pinapakitang kapani-paniwalang paraan ang ating gobyerno para sugpuin ang health and economic issues na ito sa halip inaarangkada sa Kongreso at sa Senado ang pagpasa ng death penalty.” Dagdag pa ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo.
Paliwanag ni Bishop Pabillo ang paghihirap, pagkakasakit at pagkawala ng trabaho ng maraming mga manggagawa ay hindi dahil sa pagiging pasaway ng mga mamamayan kundi nangangahulugan rin na may mali sa paraan ng pamumuno at pamamalakad ng pamahalaan na hindi dapat ipagsawalang kibo ng bawat isa.
“There are so many people who suffer, many are sick, many have no jobs, many are hungry this is not just because people are pasaway, there is something wrong in the governance may mali sa pagpapalakad ng pamahalaan kaya tayo ganito. Hindi ba tayo nababahala? Magwawalang kibo lang ba tayo?” Giit ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo.
Inialay ni Bishop Pabillo sa pasasalamat ang kanyang unang misa matapos na gumaling mula sa COVID-19 kung saan nagpaabot ng pasasalamat ang Obispo sa lahat ng mga nag-alay ng panalangin para sa kanyang mabilis na paggaling mula sa sakit.
Inialay rin ng Obispo ang kanyang unang misa na ginanap sa Veritas Chapel ganap na alas-sais ng umaga para sa pananalangin para sa lahat ng mga may sakit, frontliners at iba pang mga nahihirapan dahil sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Matatandaang ika-23 ng Hulyo ng humiling ng panalangin si Bishop Pabillo sa mga mananampalataya matapos na magpositibo sa COVID-19.
Matapos namang mag-negatibo ang resulta ng kanyang ilawang swab test noong nakalipas na linggo ay idineklara ng COVID-19 Free ang Obispo.