398 total views
August 10, 2020, 2:12PM
Inaanyayahan ng Aid to the Church in Need Philippines ang mananampalataya na makiisa at suportahan ang gaganaping ‘recollection prayer concert.’
Ayon kay Jonathan Luciano, National Director ng ACN-Philippines, layunin ng gawain na ito na matulungan ang mamamayan na mapalakas at mapataas ang moralidad sa kabila ng patuloy na krisis na dinaranas bunsod ng corona virus pandemic.
Sinabi ni Luciano na bukod tanging panalangin ang makapapawi sa bawat pangamba at panaghoy ng mamamayang nahihirapan dahil na rin sa kawalan ng pagkakakitaan ngayong panahon ng pandemya.
“Unang objective namin is to gather people to pray; sa panahon ngayon dumaranas tayo ng matinding kadiliman at pagsubok ang pinakamabisang paraan para ma-overcome natin ito is to pray , to beg God for His mercy,” pahayag ni Luciano sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag ni Luciano na ito rin ay magandang pagkakataon na makapagnilay sa mga kaganapan sa mundo lalo ngayong panahon ng pandemya na karamihan ay apektado lalo’t higit ang mga gawaing pansimbahan.
Ang ‘recollection prayer concert’ na may temang ‘Hoping, Healing, Helping! One Church against COVID-19’ ay pangungunahan ni ACN Philippines National Chairperson at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas kasama si Cardinal Luis Antonio Tagle ang Prefect of the Congregation for the Evangelization for Peoples.
Sa mga dadalo at makiisa sa online recollection ay maari ring magpaabot ng kanilang donasyon upang makatulong sa mga proyekto ng papal charity sa buong mundo ang Aid to the Church in Need worldwide COVID-19 response kung saan nauna nang nagpaabot ng limang milyong euro sa mga parokya at komunidad na labis naapektuhan ng pandemya.
Ayon kay Luciano, ilalabas sa naturang online prayer recollection ang mga pamamaraan sa pagpapaabot ng tulong pinansyal sa mga proyekto ng ACN.
“So yung tulong po na ipapaabot sa atin ay mapupunta po sa mga projects ng ACN in response to COVID 19,” dagdag ng opisyal ng ACN Philippines.
Ang magsisilbing host ng programa ay ang mang–aawit na si Cris Villonco habang inaasahan din ang pakikilahok ng C5 Singers, The Levites ng Diocese of Malolos, Rev. Fr. Guiseppe Pietro Arsciwals, OP, mga pari mula sa San Carlos seminary at sa arkidiyosesis ng Lingayen Dagupan at inaasahan din ang pakikiisa sa kilalang inspirational singer na si Jamie Rivera.
Matutunghayan ang ‘recollection prayer concert’ sa official facebook page ng Aid to the Church in Need Philippines sa https://www.facebook.com/acnphilippines.org/. at sa mga social media pages ng mga media partners tulad ng Veritas846.ph, TV Maria, CBCP News, Quiapo Church at iba pa.
Gaganapin ito sa ika – 15 ng Agosto kasabay ng Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Mahal na Birhen ganap na ikawalo ng gabi.