596 total views
August 15, 2020-9:31am
Itinalaga ng Archdiocese of Manila bilang Archdiocesan Churches of Intercession ngayong may pandemya ang apat na parokya na nakatalaga sa ilalim ng patron na si San Roque.
Sa Circular 2020-24 na nilagdaan ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, inihayag ng obispo ang pagsang-ayon sa petisyon ng mga Kura Paroko ng apat na parokya ng San Roque na matatagpuan sa Blumentritt, Pasay, Mandaluyong at Sampaloc sa rekomendasyon na rin ng Archdiocesan Liturgical Commission at ng Judicial Vicar ng Archdiocese of Manila.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, bagamat ang bawat parokya ay nagsisilbing tagapamagitan sa mga daing at panalangin sa Panginoon ng bawat mananampalataya ay pangungunahan naman ng mga parokya ng San Roque ang pangangasiwa sa mga pang-debosyon at pang-liturhiyang gawain na naaangkop para sa mga may sakit, frontliners at naghihirap dahil sa COVID-19 pandemic sa arkidiyosesis.
“While all parishes are churches of intercession, these parishes under the patronage of San Roque will take the lead in organizing devotional and liturgical activities as well as other appropriate programs that will serve the sick, the front liners and the poor during this time of pandemic in the Archdiocese of Manila,” bahagi ng nilagdaang circular.
Ang mga itinalagang Archdiocesan Churches of Intercession ay ang mga parokya ng San Roque na pinangangasiwaan nina Fathers Antonio B. Navarete, Jr.; Paschal Gorgonia, Aries Reyes at Leo Nilo Mangussad.
Si San Roque ang kilalang pintakasi laban sa salot, peste at nakahahawang sakit na inialay ang kanyang buhay sa paglilingkod sa mga may karamdaman.
Sa mga bayang nadadaanan ni San Roque sa kanyang paglalakbay patungong Roma ay mayroong salot na pumupuksa sa mga tao, kaya’t siya’y nanggagamot sa pamamagitan ng paglalagay ng krus sa mga may-sakit at sila’y gumagaling.
Sa Roma, nagkaroon din ng pagkakataon si San Roque na makahalik sa mga paa ng papa Benedicto XI, gayunpman sa bayan ng Placencia ay nahawaan ito ng sakit at ipinatapon sa gubat.
Sa kanyang pag-iisa ay isang aso ang nagdadala ng tinapay kay San Roque hanggang sa kanyang paggaling.
Ang Kapistahan ni San Roque ay ipinagdiriwang ng Simbahan tuwing ika-16 ng Agosto.