2,496 total views
August 17, 2020
Nagpahayag ng pangamba ang Philippine Interfaith Movement against Human Trafficking (PIMAHT) sa higit na pagiging lantad ng mga bata sa pag-aabuso at pananamantala dahil sa kahirapan at krisis na dulot ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Ayon kay Evangelical Bishop Noel Pantoja – Pangulo ng PIMAHT, dahil sa kahirapan ay maraming mga pamilya ang napipilitang kumapit sa patalim na humahantong maging sa pagbibenta o sexual exploitation sa kanilang mga anak.
“Many children are being victimized and the perpetuators are relatives and parents themselves and because of the hardship of life because of poverty talagang parang kapit sa patalim yung mga magulang na ibinibenta na nila yung kanilang mga anak sa sexual exploitation kaya during the pandemic crisis, during COVID-19 talagang napakahirap ng buhay ng maraming mga tao kaya kapit sa patalim ang maraming mga tao…” pahayag ni Evangelical Bishop Pantoja sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit ni Pantoja na bukod sa pananalangin ay mahalaga ring maging mapagbantay ang bawat isa upang mapigilan ang ganitong uri ng human trafficking lalo na sa mga bata.
Nanawagan rin ang Obispo sa pamahalaan upang tulungan ang mamamayang pinaka-apektado ng krisis na dulot ng COVID-19 upang maiwasan ang ganitong uri ng karasahan laban sa mga bata.
Paliwanag ni Pantoja, mahalagang magtulong-tulong ang bawat isa upang mabigyan ng ayuda ang mga mahihirap na mamamayan lalo na ang mga nawalan ng hanapbuhay o pinagkakakitaan dahil sa krisis na dulot ng pandemya.
“Dapat talaga maging vigilant tayo sa pananalangin at pagtutulong tulong upang mai-prevent ang ganito. Ito ay panawagan hindi lang sa panalangin kundi para talaga sa ating mga namamahala sa gobyerno na tulungan ang mga taong naghihirap kasi can you imagine libo-libo ang nawawalan ng trabaho, nagsasarado ang business kaya yan ang human trafficking ay lalong tumitindi ang problema kaya this is urgent na dapat tingnan ng ating pamahalaan…”panawagan ni Pantoja
Naunang nagpahayag ng pagkabahala ang Commission on Human Rights sa pagtaas ng kaso ng cybersex trafficking at online sexual exploitation ng mga bata sa gitna ng sitwasyon ng bansa mula sa COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito naitala sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey ang record-high na 45.5% o 27.3 milyon na bilang ng mga adult na walang trabaho sa bansa sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Unang tinukoy ng United Nations Children’s Fund (Unicef) ang Pilipinas bilang “global epicenter of the live-stream sexual abuse trade” kung saan isa sa bawat limang batang Filipino ang lantad sa online sexual exploitation.
Ayon sa Kanyang Kabanalan Francisco mahalagang magsanib pwersa ang bawat isa at ang iba’t ibang mga institusyon upang malabanan ang patuloy na suliranin ng human trafficking sa lipunan at maprotektahan at matulungan ang mga biktima nito.