2,641 total views
August 19, 2020
Tiniyak ng NASSA/Caritas Philippines ang kahandaan ng social action arm ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na magpaabot ng tulong sa mga naapektuhan ng 6.6-magnitude na lindol na yumanig sa Masbate alas-8:03 ng umaga noong ika-18 ng Agosto.
Ayon kay Caritas Philippines National Director Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, nakikipag-ugnayan na ang NASSA/Caritas Philippines sa Social Action Center ng Diocese of Masbate upang matukoy kung ano ang mga pangangailangan ng mga apektadong mamamayan sa lalawigan at kung papaano ito maipaaabot sa mga biktima ng pagyanig.
Sinabi ng Obispo na nakaantabay lamang ang NASSA/Caritas Philippines sa ulat ng diyosesis partikular ang pangangailangan ng mga nawalan ng tahanan at mga nangangailangan ng pansamantalang matutuluyan.
“We are in solidarity with the people of Masbate. We know how it is to experience an earthquake. We at NASSA are ready to assist the Social Action Center of the Diocese of Masbate as they are planning now on how and what reliefs and emergency assistance they can extend to many who may have been displaced.”mensahe ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Bukod sa pananalangin, hinimok rin ng Obispo ang bawat isa na magtulungan at manatiling kalmado sa kabila ng patuloy na aftershocks na nararamdaman sa lalawigan.
“Panawagan ko po na stay calm and let’s help one another. Prayers” apela ni Bishop Bagaforo.
Inihayag ni Bishop Bagaforo na batid ng social action arm ng CBCP na hindi madali ang yanigin ng malakas ng lindol na bukod sa pagkasira ng bahay at imprastraktura ay nag-iwan ito ng takot sa mamamayan.
Nasasaad sa earthquake bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na tumama ang tectonic earthquake 5-kilometro mula sa timog-kanluran ng bayan ng Cataingan, Masbate.