355 total views
August 25, 2020-7:39am
Mariing kinondina ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference ang panibagong ‘act of terrorism’ na naganap sa bayan ng Jolo, Sulu.
Ayon kay NASSA/Caritas Philippines Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, hindi katanggap-katanggap ang anumang uri ng karahasan na bumibiktima sa mga inosenteng mamamayan at nagdudulot ng takot sa pamayanan.
Ito ang tugon ng social action arm ng CBCP kaugnay sa dalawang magkasunod na pagsabog na naganap sa Jolo, Sulo noong ika-24 ng Agosto.
Nanawagan rin si Bishop Bagaforo sa mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) upang higit pang paigtingin ang pagsisikap na matiyak ang kaligtasan at kapayapaan sa lalawigan.
Umapela naman ng panalangin ang Obispo hindi lamang para sa kaligtasan at kapanatagan ng loob ng mga mamamayan ng Jolo kundi para sa mga biktima ng magkasunod na pagsabog.
“We call on the BARMM govt exert all efforts for peace and security in their areas. We abhor this atrocities. We appeal for prayers for people of Jolo especially those who died and are injured. We denounce this act of terrorism,” ang bahagi ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ang unang pagsabog ay naganap bago mag-alas-dose ng tanghali sa pamamagitan ng vehicle-borne improvised explosive device kung saan kinabitan ng maraming pampasabog ang isang motorsiklo na itinabi sa 6×6 military truck mga sundalo na nasasagawa ng lingguhang pamimili.
Ang ikalawang pagsabog naman ay naganap ala-una ng hapon sa pamamagitan naman ng isang babaeng suicide bomber na tinutukoy pa ang pagkakakilanlan.
Batay sa datos ng Philippine National Police (PNP), hindi bababa sa 12 katao ang nasawi sa dalawang pagsabog habang 34 naman ang sugatan na kinabibilangan ng mga sundalo at sibilyan.
Una ng kinondina ng Apostolic Vicariate of Jolo ang nangyaring karahasan at umapela ng panalangin para sa kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayan sa Sulu.