193 total views
Umalma ang Archdiocese of Jaro sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na ang Iloilo ang “most shabulized ” na lalawigan sa bansa kaugnay ng pagkakasangkot ng maraming opisyal ng lokal na pamahalaan at iba pang personalidad sa lugar.
Ayon kay Msgr. Meliton Oso, Social Action Center Director ng Archdiocese of Jaro, dapat i-double check nang mabuti ng Pangulo ang kanyang mga natatanggap na impormasyon na ang iba ay hindi naman totoo, gaya ni Jeffrery Selis na ayon kay Duterte ay dating congressman subalit hindi naman at isang Judge na nasa listahan gayung matagal ng patay.
Pahayag ng pari, kung totoo ang impormasyon tutulong pa sila sa kampanya ng pamahalaan para mawala ng tuluyan ang problemang ito.
Pakiusap din ni Msgr. Oso na gawin ang kampanya nang naaayon sa batas at huwag sirain ang dignidad ng tao.
“We do not deny that we have a drug problem, pero kung pinaka-shabulized I believed that is a big question, we would like to appeal to the president to check, to double, triple check, whatever check parang di maganda ang mga datus na natanggap niya, I want to make it clear that we are very supportive with his desire or his enthusiasm to please the 16 million voters who put him in power na siguro gusto rin ma-eradicate ang drug problem but please let’s do it within the parameters of the law most especially by respecting due process, If you want to eradicate drug problems…but please name ng mga tao ito, every person has a right of his good name, his reputation the moment that is malign dignity is violated…if that is true we will help him, but within the parameters of the law,” ayon pa kay Msgr. Oso.
Kabilang sa mga opisyal na sangkot sa ilegal na droga sa Iloilo sina Mayor Jed Mabilog ng Iloilo City, Sigfredo Betita ng Carles, Alex Centena ng Calinog, at Mariano Malones ng Maasin habang pinangalanan din sina Judge Savillo ng Regional Trial Court Branch 13, Vice Mayor Francis Ansing Amboy ng Maasin, Attorney Antonio Pesina, at Erwin “Tongtong” Plagata.
Kaugnay nito, hindi nagpapabaya ang Archdiocese of Jaro, Iloilo sa information dissemination patungkol sa bawal na gamot.
Ayon kay Msgr. Oso , sa katunayan nagpapalabas sila ng pastoral letter sa lahat ng mga parokya at mga katolikong paaralan na nasasakupan ng archdiocese ng masamang dulot ng ilegal na droga.
“Many years ago nagpalabas na kami ng pastoral letter on narco-politics. .. If you remember it was Gen. Aglipay when he was PNP Chief who came to archbishop, we took the problems seriously, nagpalabas kami ng pastoral letter sa mga vicariate, sa mga paaralan, We took that very seriously,” pahayag ni Msgr. Oso sa panayam ng programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Simula nang maluklok sa puwesto ang Pangulong Duterte, higit sa kalahating milyon na ang sumukong drug suspects at humigit-kumulang na sa 500 ang napapatay sa operasyon ng pulisya kontra droga.
Mariing kinokonenda ng Simbahang Katolika ang extra-judicial killings na pagpaslang dahil labag ito sa batas ng tao at ng Diyos dahil kinakailangan dumaan sa due process ang pagparusa at bigyan ng karapatang mabuhay at magbagong buhay kahit ang mga makasalanan.