168 total views
Kinilala ng CBCP – Episcopal Commission on Pastoral Care for Migrants and Itinerant People ang mabilisang aksyon na ginawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang mabigyan ng suportang pinansyal ang mga overseas Filipino workers na nawalan ng trabaho sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, malaki ang maitutulong ng 500 milyong pisong emergency assistance na inaprubahan ng DOLE para sa mahigit 11,000 ‘distressed OFWs’ sa Jeddah at Riyadh sa Saudi Arabia na naapektuhan ng pagbagsak ng langis sa pandaigdigang merkado.
“Alam naman natin na sa pagbaba ng presyo ng krudo na marami ang naapektuhan at tayo nga ay naapektuhan at nakita natin sa ngayon ang gobyerno ay hindi nagpapabaya at nangangalaga at tinitignan palagi ang kapakanan ng ating manggagawang Pilipino doon sa Saudi Arabia. Nagpapasalamat tayo sa ginawa ng ating pamahalaan at higit sa lahat ng DOLE,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Pinuri rin ni Bishop Santos ang pagmamalasakit ng kasalukuyang administrasyon sa kalagayan ng halos 15 milyong OFWs at hindi rin nito maiwasang maikumpara ang mabagal na pagtugon ng nakaraang administrasyon sa mga problemang kinakaharap ng mga migranteng Pilipino.
“Ito ay nagpapakilala na ang ating pamahalaan ngayon ay may puso, nangangalaga at iniingatan ang ating OFW at tayo ay nagpapasalamat sa kasalukuyang administrasyon. Alam naman natin na ito ay kakaiba at baliktad ang nangyari noon na kung saan hindi man lamang napasalamatan, hindi man lamang napangalagaan, hindi man lamang napagtanggol ang ating OFW,” giit pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Nabatid na ang naturang tulong pinansyal ay mula sa emergency assistance fund ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA na kung saan tatanggap ng 20, 000 piso ang bawat stranded na OFW habang 6,000 piso na cash assistance naman ang matatanggap ng kanilang pamilya sa Pilipinas.
Nauna na ring kinilala ni Pope Francis ang masigasig na paghahanap – buhay ng mga OFWs maiahon lamang sa kahirapan ang kanilang pamilya.