376 total views
August 26, 2020
Umapela ang Apostolic Vicariate of Jolo sa mga otoridad na pag-aralang mabuti ang mga hakbang at polisiyang ipatutupad matapos ang magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu.
Ayon kay Bishop Charlie Inzon, OMI mahalagang makipag-usap ang mga otoridad sa mga stakeholders ng Sulu bago irekomenda sa pamahalaan ang pagpapatupad ng batas militar sa lugar.
“Maganda consult din muna ang stakeholders: local government, civil society organizations, religious groups, P.O’s to be successful,” pahayag ni Bishop Inzon sa Radio Veritas.
Ito ang tugon ng Obispo sa nais imungkahi ni Army chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng martial law sa Sulu upang mas mahihigpitan ang pagbabantay sa buong lalawigan.
Matatandaang nitong ika – 24 ng Agosto pinasabog ng mga hinihinalang Indonesian suicide bomber ang bahagi ng Plaza Rizal mag-alas dose ng tanghali habang makalipas ang isang oras isang malakas na pagsabog naman ang naganap isandaang metro ang layo mula sa unang pinangyarihan ng insidente.
Sa tala ng otoridad hindi bababa sa 15 ang nasawi sa magkasunod na pagsabog kabilang na ang walong sundalo, anim na sibilyan at ang hindi pa nakikilalang suicide bomber habang mahigit sa 70 ang nasugatan na karamihan ay mga inosenteng sibilyan.
Iginiit ni Bishop Inzon na mahalaga ang pagtutulungan ng komunidad upang matamo ang pagkakaisa at kapayapaan sa lipunan lalo na’t ang Sulu ay mayorya ang mga Muslim.
“Community support and cooperation are important,” dagdag pa ni Bishop Inzon.
Una nang nanawagan ng panalangin at pagkakaisa ang obispo sa mamamayan sa lugar at hinimok ang bawat isa na manatiling kalmado sa kabila ng mga pangyayari.