434 total views
August 27, 2020
Naniniwala ang pamunuan ng Santo Niño de Pandacan Parish na maitatayong muli ang simbahan sa lalong madaling panahon sa pagtutulungan ng mananampalataya.
Ayon kay Rev. Fr. Sanny de Claro, kura paroko ng parokya, ang tunay na simbahan ay ang mananampalatayang bumuo ng komunidad at nagkakaisang magpupuri sa Diyos sa bahay dalanginan kaya’t ito rin ang magtatayo sa nasunog na simbahan.
“The cry and longing to worship God, because to build the church is a collaborative effort of the people who long to worship God; tayo ang tunay na simbahan,” pahayag ni Fr. de Claro sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng pari na nagpapatuloy ang pagpupulong ng mga enhinyero at arkitekto na mangangasiwa sa reconstruction ng simbahan ngunit kasalukuyan itong naaantala dahil sa mga limitasyong dulot ng pandemya.
Pinasalamatan naman ni Fr. de Claro si Manila Mayor Isko Moreno na nagbigay ng donasyon para sa pagtatayo ng simbahan at ang lahat ng mga nagpaabot ng kanilang tulong pinansyal para sa pagsasaayos ng simbahang natupok ng apoy noong ika – 10 ng Hulyo.
Samantala, tiniyak din ng Caritas Manila ang buwanang suporta na 100-libong piso hanggang sa matapos ang proyekto bilang tugon sa pangangailangan ng Santo Niño de Pandacan.
Patuloy pa ring nanawagan ang pari sa mamamayan ng tulong para sa pagsasaayos ng simbahan upang muling manumbalik ang sigla ng pananampalataya sa parokya.
“Maraming tao ang nais tumulong, walang maliit walang malaki, ang mahalaga galing sa puso, ‘yan ay malaking ambag para tumayo ang simbahan,” ani ni Fr. de Claro.