375 total views
August 27, 2020
Inaanyayahan ni Diocese of San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, vice-chairman ng NASSA/Caritas Philippines ang mananampalataya na makiisa sa pagdiriwang ng Season of Creation na may temang “Jubillee for the Earth”, mula unang araw ng Setyembre hanggang Ika-11 ng Oktubre.
Karaniwan itong ipinagdiriwang hanggang ika-4 ng Oktubre kasabay ng kapistahan ng patron ng mga hayop at kalikasan na si San Francisco ng Assisi na pinalawig hanggang ika-11 ng Oktubre upang gunitain ang Indigineous Peoples’ Sunday.
Ayon kay Bishop Alminaza, mahalaga ang naging ambag ng mga katutubo sa pangangalaga sa kalikasan.
“Being the year also for Indigineous Peoples, maganda ring we will culminate our season of creation by also recognizing the particular contribution ng ating mga katutubo. Kasi kung titingnan natin sila talaga (ang) maraming maituturo sa atin (on) how to take care of our kalikasan, of mother earth. Kasi ang ating mga katutubo, meron na silang sariling pamamaraan, na they protect, irespeto, pangangalagaan ang ating kalikasan,”, pahayag ni Bishop Alminaza sa Radyo Veritas.
Binigyang diin ng Obispo na ang pandemya dulot ng COVID-19 ay naghahatid ng babala upang pangalagaan ang kalikasan na may pagkakatulad sa pangangalaga natin sa ating mga kalusugan.
“Kaya itong pandemic is a wakeup call, parang warning shot sa ating lahat na kung nagiging concern tayo ngayon sa health natin. We should be equally more concern with our environment because they are very much interrelated. Kaya I hope matututo na tayo to this pandemic na alagaan talaga ang ating kalikasan at sana naman yung season of creation will create an impact collectively sa ating bansa, sa ating mga community, from our own family”.pahayag ni Bishop Alminaza
Ngayong taong 2020, ang ika-walong taon ng pagdiriwang ng Season of Creation sa Pilipinas, kasabay nito ang ika-anim na taon ng World day of Prayer for Care of Creation na idineklara ng Kanyang Kabanalan Francisco tuwing unang araw ng Setyembre.