168 total views
Umaasa ang CBCP Episcopal Commission on the Laity na malaki ang maitutulong para tumigil na ang mga sangkot sa ipinagbabawal na gamot nang pagsasapubliko ng pangalan ni Pangulong Duterte sa halos 160 mga opisyal ng lokal na pamahalaan, hukom at pulis na may pananagutan sa batas kaugnay ng kampanya laban sa droga.
Ayon kay Manila auxiliary bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, isang hakbang ito ng seryosong kampanya ng gobyerno upang masolusyunan ang laganap na ilegal na droga na sanhi ng ibat-ibang krimen.
“Una sa lahat tayo ayaw rin natin ng droga kaya ang mga paraan upang ang mga tao ay tumigil na sa pagdo – droga ay makakatulong. Itong mga nilabas na pangalan sana makatulong ito sa mga tao na tumigil na sa pag involve sa droga,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, ikinalungkot naman ng obispo ang senaryo na kapag may pangalan at malalaking tao ang sangkot sa droga, binibigyan sila ng ‘due process’ habang ang maliliit ay sentensiyado kaagad ng kamatayan.
“Bakit itong mga pulitiko, itong mga pulis, itong mga generals ay binibigyan ng pangalan, bibigyan ng warning pero yung mga taong maliliit basta – basta na lang binabaril. Bakit may pagkakaiba? Sana ganun rin yung gawin nila sa ibang mga tao na kakausapin nila kase may mga alam nga tayong surrenderista na pinatay pa, mga ordinaryong mga tao so anong gagawin natin diyan so yun ang nakakalungkot lang hindi binibigyan ng pagkakataon pero itong mga malalaking taong ito ay binibigyan ng pagkakataon parang hindi pantay,” ayon pa kay Bishop Pabillo.
Higit sa kalahating milyon na ang sumukong drug suspects at humigit kumulang na sa 500 na napapatay sa operasyon ng pulisya kontra droga.
Mariing kinokonenda ng Simbahan ang extra-judicial killings dahil labag ito sa batas ng tao at ng Diyos lalo na at kinakailangan dumaan sa due process ang pagparusa at bigyan ng karapatang mabuhay at magbagong buhay kahit ang mga makasalanan.
Higit sa kalahating milyon na ang sumukong drug suspects at nasa higit 500 na ang napapatay sa operasyon ng pulisya kontra droga simula nang maluklok sa puwesto ang Pangulong Duterte.
Mariing kinokonenda ng Simbahan ang mala extra-judicial killings na pagpaslang dahil labag ito sa batas ng tao at ng Diyos lalo na at kinakailangan dumaan sa due process ang pagpaparusa at bigyan ng karapatang mabuhay at magbagong buhay kahit ang mga makasalanan.