374 total views
Ang mahihirap lamang ang apektado ng death penalty sakaling ito ay maipatupad.
Ayon kay Manila auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, hindi na rin napapanahon na buhayin pa ang parusang bitay lalo na at marami na ring bansa ang bumitaw dito dahil sa paniniwalang kailangan ng tao, kriminal man o hindi na makapagbagong buhay.
“So dapat patawarin natin ipagdasal natin ang mga kaaway natin so iba na ang katuruan ni Hesus tandaan natin si Hesus ay naging biktima ng death penalty, naging biktima siya at ang humatol sa kanya ay gobyerno. Yan ang tinitingnan natin ganun din ang death penalty na yan kawawa ang mga mahihirap na walang mga lawyer na magtatanggol sa kanila pero kapag mayaman ka may mga lawyer ka sa simula pa lang di ka na makukulong. Kaya ang ayusin natin sa halip na death penalty ayusin natin ang judiciary system na dapat maging pantay pantay,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Dagdag pa ng obispo, ang nagsusulong ng death penalty ay pagtatatwa kay Hesukristo at sa pagiging Kristiyano.
“Alam niyo po itong nagbubuhay ng death penalty wala na sa panahon anachronistic na kase sa buong mundo ngayon ang pagsisigaw ay tanggalin ang death penalty. Kung babalik tayo doon ay parang babalik tayo sa panahon na naiwan na natin kase advance na tayo diyan. alam niyo po ang Bibliya ay binabasa natin bilang mga Kristiyano hindi bilang mga Hudyo kaya ang sentro ng Bibliya para sa ating mga Kristiyano ay si HesuKristo.”
Ayon pa sa obispo, hindi lahat ng nakalagay sa Banal na Kasulatan ay ginagawa pa rin ngayon gaya ng pag-aalay ng baka at ng tupa dahil ang ginagawa ngayon ay ang mga aral o katuruan ni Hesuskristo.
“Kaya hindi lahat ng nakalagay sa bible verse na nakalagay sa bible ay ginagawa natin. Hindi na tayo nag-aalay ng mga baka, ng mga tupa na nakalagay sa bible kase ang ating pamantayan ngayon ay pag-aalay na ni Hesus ganun din ang katuruan ni Hesus. Yung sinasabi sa Bible na eye for eye, tooth for tooth, shed of blood your blood will be shed sinabi ni Hesus na hindi na yan,” ayon pa kay Bishop Pabillo.
Sa tala, Amnesty International, 140 na mga bansa na ang nagtanggal ng parusang kamatayan samantalang taong 2006 nang lagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang pagbuwag sa Death Penalty sa bansa at pinababa sa habang buhay na pagkakulong ang ipinataw sa may higit isang libong preso na may parusang kamatayan.